MARIING itinanggi ni Diether Ocampo sa virtual mediacon ng seryeng “Huwag Kang Mangamba” na iniwan na niya ang mundo ng showbiz.
Ilang taon din kasi siyang nawala at hindi rin visible sa mga showbiz events at maging sa Instagram account niya ay bihira rin siyang mag-post na ang huli ay noon pang Enero.
Mahigit pitong taon siyang hindi naging aktibo sa showbiz dahil ang huli pa niyang teleserye ay ang “Apoy Sa Dagat,” taong 2013 kaya naman nagpapasalamat siya kay Deo Endrinal at Rondell Lindayag ng Dreamscape Entertainment sa project na ito.
“To be honest, hindi naman ako nawala. I was busy lang doing my own thing. Kasi sa mga katulad namin, we’re always busy trying to improve ourselves.
“In my case I’ve been doing some training, conditioning, mentally and of course, physically, most importantly in this challenging times lalo na may pandemic,” paliwanag ni Diet.
At sa pagbabalik niya sa “HKM”, looking forward talaga siya sa project na ito dahil natutuwa siya sa mga bidang bagets na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz dahil naaalala niya ang kabataan niya.
Naging mapili ba sa projects si Diether dahil may mga offer naman siya, pero balitang tinatanggihan niya ito?
“No, to be honest, dito sa industriya natin, walang masamang tinapay. Minsan lang hindi nagtutugma, minsan sa schedule. Minsan naman hindi talaga akma ‘yung character na ibinibigay sa akin,” paglilinaw ng aktor.
Napapayag siyang tanggapin ang “Huwag Kang Mangamba” dahil, “A reminder for me dahil when the story was revealed to me, doon ko na-realize na meron pa palang isang aspeto ng buhay ko na hindi ko nati-train which is my faith.
“So, that’s why spiritually I have to renew my faith and do also some training for that kaya naging abala ako ro’n the whole time,” paliwanag niya.
Nabanggit din ni Diether na bago mag-pandemic ay abala siya sa painting at exhibit. Sa katunayan, kakatapos lang niyang magkaroon ng exhibit sa Pinto Gallery sa Antipolo, Rizal at sa kasalukuyan ay abala rin siya sa kanyang flight school.
Dahil din sa pandemya kaya hindi pa niya nakukumpleto ang requirements niya kaya hindi pa niya nakukuha ang lisensiya bilang piloto.
Samantala, nangako rin siya na ibang Diether naman ang mapapanood sa “Huwag Kang Mangamba,” “Sa katulad namin hindi puwedeng magpabaya (sa acting dahil maraming bago).
“I always have to give something new and contribute to the industry in my own capacity para makapagbigay ng kasiyahan sa ating manonood,” sambit ng aktor.
Mapapanood na ang “Huwag Kang Mangamba” sa Marso 22 sa A2Z at TV5, 8:40 p.m. pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”