PARA kay Enchong Dee, isang bonggang-bonggang blessing ang mapasama sa pinakabagong inspirational teleserye ng ABS-CBN na “Huwag Kang Mangamba.”
At hindi lang basta-basta ang magiging karakter niya rito dahil sigurado kaming tatatak sa madlang pipol ang role niya sa nasabing serye bilang isang pari.
“Si Fr. Sebastian ay isang sundalo ni Bro (ni Lord). Kino-consider ko siya na tagapaghatid ng magandang balita sa barangay ng Hermoso. Sabi ko nga ang suwerte-suwerte ko.
“Siguro isa rin ito sa mga blessing na natanggap ko kasi yung role ni Fr. Sebastian nadadamay ako.
“Minsan kasi nakukuha ko yung energy and positivity ni Father Seb na kahit si Enchong, kahit dapat nabubuwisit eh, hindi. So ayun, masaya ako,” ang pahayag ng Kapamilya actor sa ginanap na digital mediacon ng “Huwag Kang Mangamba” kagabi.
Natanong din si Enchong kung nagkaroon ba siya ng pangamba para sa kanyang buhay at career noong kasagsagan ng lockdown dulot ng pandemya.
“Siguro ilalagay ko siya in a way na I’m very grateful na ni isang beses hindi ako nangamba yung buong taon last year. Nagpapasalamat ako.
“Siguro yun din yung bakit I was able to look after other people or focus my energy on other people because I know that my situation is okay,” paliwanag ng binata.
Samantala, tiyak na matutuwa ang fans at mga subscribers niya sa kanyang YouTube channel dahil marami pa raw siyang mga susunod na “paandar vlogs.”
“Hindi siguro ako kasing-sipag ng nangyayari ngayon kasi talagang pinag-iisipan ko, nilalagyan ko talaga ng puso at isipan ko kung anuman yung nilalagay ko doon sa vlog ko.
“Because it’s clear to me what I want to show people and what I want to share with people. Siguro yun lang yung difference.
“Probably mas maganda yung quality ngayon dahil may mga oras tayo na makapag-isip at gawa ng ibang bagay,” chika ni Enchong.
“We have seven episodes na nakabangko and masaya ako na lahat naman ng nakakausap ko mga kaibigan ko. Madali sa akin para makipag-usap. I rarely call it an interview. It’s more of a conversation.
“Inuna ko talaga yung mga kaibigan ko. Iisa-isahin ko rin yung cast (ng Huwag Kang Mangamba). Feeling ko kapag inis-isa ko sila may isang buong taon ng 2021 na hindi na kailangan mag-isip (ng content). Ha-hahaha! Meron na kaming plano ni tita Sylvia (Sanchez, isa sa cast members ng serye),” kuwento pa ng aktor at vlogger.
Ang pinakabagong inspirational series ng ABS-CBN na “Huwag Kang Mangamba,” ay mapapanood na simula sa Marso 20 sa iWantTFC at Marso 22 naman sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, at Kapamilya Online Live, mula sa Dreamscape Entertainment.