Tumitindi na naman ang Covid-19 sa Metro Manila. Ang reproductive number ay 1.9 samantalang higit 11 percent ang daily infection rate. Umaabot na sa higit 5,000 positives ang naitatala ng Department of Health araw-araw.
Ayon sa mga eksperto, tumaas ang mga kaso magmula noong Valentine’s Day kung saan nagsilabasan ang maraming tao. Napuno ang mga malls, restoran, pasyalan , at ang iba’y nag-party. Kaya tayo’y nagbabayad ngayon.
Isipin niyo, dumaan ang Pasko, Bagong taon, at maging mga prusisyon ng Nazareno pero, nanatili sa 2,000 positives lamang tayo bawat araw. Pero, ibang klase talaga ang mabilisang pagkalat. Pami-pamilya raw, at maging mga tanggapan ng gobyerno ay talagang nagsasara tuloy dahil sa maraming positibo.
Meron nang iisang “curfew”, mula 10 pm hanggang 5 am sa Metro Manila at talagang mahigpit ang implementasyon simula noong Lunes. Dumarami din ang mga “local lockdowns” sa Quezon city, Pasay, Navotas, Malabon at iba pa.
Talagang laganap ang Covid-19 tulad sa Manila Police district station-11 sa Binondo na merong 46 pulis na nag-positive sa kabuuang 121 miyembro nito. May balitang “full capacity” na ang ilang ospital natin tulad ng St Lukes Global, Makati Medical Center, QC General hospital at pati isolation rooms ng mga LGUs ay mapupuno na rin..
Kung susuriin, nakakabahala talaga ang sitwasyon pero meron ding mga positibong pangyayari na dapat nating tandaan.
Una, meron nang bakuna ngayon at batay sa report, meron nang higit 100,000 medical frontliners natin ang nabigyan na ng Sinovac at Astrazeneca.
Ikalawa, mas kabisado na ngayon ng mga doktor kung paano gamutin ang Covid-19 , tulad ng dexamehtazone, remdezivir at tocilizumab. Hindi na rin ginagamigt ang mga ventilators sa mga pasyente dahil sa “high nasal oxygen”. Di tulad noong dati, kung saan “hilo” at walang makapagsabi kung paano ang epektibong gamutan sa Covid-19. Kaya naman, patuloy ang pagbaba ng mga bilang ng mga namamatay kahit tumataas ang mga kaso.
Ikatlo, mas kilala na ng experts ang mga bagong “variants”, sila man ay British, Brazil at iba pa. Sa pamamagitan ng contract tracing, nababantayan ang pagkalat at paggamot nito. Noong nakaraang taon, biglang tumaas ang Covid-19 cases pero noong Hulyo lamang nakilala. Ito pala ay D614G na galing sa Europa, at isang “mutation” ng orihinal na D614 genotype na galing sa Wuhan, China.
At Ikaapat, 90 percent na epektibo talaga ang “face mask-face shield combination” at kung sasamahan ng “physical distancing” ay talagang makakaiwas sinuman laban sa Covid-19.
Sa kabuuan, mas maganda ang sitwasyon talaga ngayon dahil mas preparado na tayong lahat ngayon. Ang kailangan na lang talaga ay ang inaambisyong “herd immunity” upang tuluyan nang tumigil ang pagkalat ng pandemyang ito. Pero, ang malaking problema ay ang “global chain supply” ng mga bakuna na ngayo’y mayayamang bansa ang talagang kumokontrol. Kahit pa meron tayong pambayad, inuuna ng mga mayayamang bansa ang kanilang mga mamamayan kasama na ang pag-iimbak ng mas maraming reserba.
Kaya naman, makatotohanang isipin na aabutin pa tayo ng Disyembre bago magkaroon ng bakuna sa mga simpleng mamamayan. Bukod sa suplay, problema din ang magiging sistema at prayoridad sa mga listahan ng mga babakunahan. Ayon sa DOH, meron silang plano para sa 450,000 bakuna bawat araw at kung susumahin ang target na 70 milyong Pilipino, aabutin tayo ng pitong buwan para mabakunahan silang lahat.
Siyempre, lahat ito’y drowing pa lang at matatagalan pa. Pero ngayon, ang pinakamahalaga ay walang iba kundi sumunod tayo sa health protocols para sa sariling kaligtasan at ng ating mga mahal sa buhay.