Vice, Vhong, Amy nagpaalala uli sa madlang pipol kontra COVID: Please, alagaan natin ang isa’t isa nang tama

SA gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa bansa, muling nagpaalala ang mga host ng “It’s Showtime” na triplehin ang pag-iingat kapag lumalabas ng bahay.

Sa pangunguna ni Vice Ganda, ipinagdiinan ng mga ito ang kahalagahan ng pagsunod sa lahat ng safety at health protocols para mapigilan ang muling pagdami ng COVID patients.

“Safety dapat ang priority. Totoo ‘yan. Marami man tayong gagawin pero dapat on top of those, safety lagi. Kung hindi safe, kahit gusto natin huwag na.

“Kung hindi safe para sa mga mahal natin sa buhay, huwag muna nating ituloy. Kung gusto nating ituloy, let’s make sure na safe ang lahat.

“Pinakamahalaga ang buhay, pinakamahalaga ang buhay mo at ang buhay ng mahal mo, kaya pangalagaan natin ‘yan.

“Kung hindi mo inaalagaan ang buhay mo ay hindi mo rin inaalagaan ang buhay ng mahal mo lalo na at kasama mo siya sa bahay,” dire-diretsong paalala ni Vice.

Aniya pa, “Kaya please stay safe at kung maari ay stay at home. Pero siyempre marami kayong dapat gawin at kailangang gawin sa labas. Gawin niyo ‘yan basta please safe po nating gawin.

“Be careful. Huwag po nating kakalimutan ang mask, ‘yun ang protection nating lahat, mask, face shield at social distancing,” pahayag pa ng TV host-comedian.

Feeling naman ni Vhong Navarro, dumarami ang mga taong nakakalimot na may pandemya pa rin hanggang ngayon kaya hindi na sila gaanong nag-iingat.

“Kasi ngayon sa labas marami na ang nakakalimot. Wala ng face mask, wala na ring face shield. Akala nila medyo okay-okay na lahat. Hindi pa rin po. Mas matindi ngayon. Tumaas (ang mga kaso),” lahad ng komedyante.

May paalala rin si Vice sa mga taong nagtatrabaho sa mga pampublikong lugar at transportasyon na maging maingat din sa lahat ng oras.

Ito’y matapos ngang mag-viral sa social media ang mabilisang pagdi-disinfect o pag-sanitize sa mga bagom ng MRT-3.

“At sa mga nag-aalaga sa atin, utang na loob, alagaan niyo kami nang tama. Huwag naman po ‘yung masabing inaalagaan niyo kami, pero hindi niyo naman talaga kami inaalagaan. Alagaan po natin ang isa’t isa ng tama.

“Kasi nakita ko ang video ng MRT, nalungkot talaga ako. Imagine mo, ilan ang sumasakay ng MRT na akala natin ay sina-sanitize ng maayos na hindi naman pala.

“Hindi ba ang sakit sa kalooban dahil may mga taong isinasang-alang natin ang pag-aalaga sa atin. Pero kung malaman natin na hindi pala tayo inaalagaan, nakakalungkot po ‘yon. Kaya please, alagaan natin ang isa’t isa ng tama,” chika pa ng dyowa ni Ion Perez.

Ito naman ang sey ni Amy Perez, “Malasakit ang kailangan talaga natin ngayon. Malasakit para, una, sa pamilya natin. Ang pagsuot ng mask ay hindi po para sa ibang tao.
“‘Yun ay para sa proteksyon niyo at ng pamilya niyo. Malasakit sa pamilya niyo at malasakit sa ibang tao,” diin pa niya.

Read more...