MAY importanteng lakad si Erich Gonzales kaya nu’ng natapat sa make-up challenge ang topic nila ni Enchong Dee sa kanilang “EnRich Original” vlog ay natuwa siya dahil hindi na siya gagastos para magpa-make-up.
Isa ang make-up challenge sa most requested mula sa 365k subscribers ng kanilang YouTube channel.
Ayon sa rules ng dalawa ay hindi maaaring tumingin si Erich sa salamin hangga’t hindi sila natatapos at si Enchong ang masusunod kung ano ang uunahin niyang gawin sa kaibigan.
Bungad ng aktor, “In-explain niya sa akin lahat kung para saan, pero ang challenge di ba, ako naman ang magmi-make up?”
Sabi naman ng aktres, “Itinuro ko sa kanya kung para saan ang concealer, foundation, powder, blush on, pang-contour. Actually, sinabi ko sa kanya step by step, pero sabi niya, ‘hindi kung anong gusto ko lang!’”
Itinuturo ng dalaga kung ano ang unang gagawin sa kanya, pero sinabihan siya ng aktor ng, “Bawal magturo!”
Ang red lipstick sa labi ni Erich ang inuna ni Enchong, “Dapat dampi-dampi lang.” Pantay naman ang pagkakalagay ng binata, “Hindi mo nga kailangan, eh (lipstick).”
Concealer ang sunod na inilagay ni Enchong at napansin naman ng binata na, “Wala ka namang eyebags, eh.”
Tanong ng aktres, “Proud ka ba sa mga eyebags mo?”
Say naman ng aktor, “Ngayon nakakatawa kasi wala pa tayong eyebags pero kapag dumating na ‘yung araw na meron na talaga tayong eyebags iwi-wish mo na sana hindi na pinaghirapan ang eye bags, tama (o) mali?”
Dagdag pa ng binata, “Sobra, saka kailangan kong ayusin ‘to kasi baka dumating ang araw bawian niya ako.”
“Oo nga guys, mag-comment kayo please kung gusto naman ninyong make-apan ko si Enchong,” saad ng dalaga.
Paliwanag ni Erich, “Kaya naman tayo maglalagay ng concealer kasi mag-eye shadow tayo para kakapit.”
“Ikaw ba, anong hinahanap mo sa isang magaling na make-up artist?” tanong ng aktor.
“Pareho lang make-up, make-up di ba? Depende kung anong requirement sa akin photo shoot or trabaho,” sambit naman ng aktres.
Nabanggit ni Erich ang isa sa karakter na ginampanan niya na natural lang dapat ang make-up. “Ikaw nga ‘yung the best natural skin looking sa Pilipinas, eh,” sabi naman ng aktor.
“Napakabolero mo, hindi mo ako kailangang bolahin, okay tayo,” hirit naman ni Erich.
“Ikaw ano ang gusto mo sa babae, may make-up o wala,” tanong ng dalaga sa kaibigan.
“May sunblock. Di ba ang sunblock importante?” sagot ng aktor sabay sabing, “Grabe ang balat mo, ang ganda!”
Hirap na hirap naman si Enchong maglagay ng kilay, “Sundan mo lang ‘yung (guhit) kilay ko, may kilay naman ako,” turo sa kanya ng dalaga.
Sa rami ng brush ay hindi alam ng aktor kung ano ang gagamitin.
At nilagyan na niya ng nose line ang dalaga na medyo kumapal, “Ano ‘yan parang kahoy na ang ilong ko?”
Ang gustong resulta ni Erich ay, “Gusto ko sweet girl, ha.”
May inilagay na itim na eye shadow ang aktor na ipinagtaka naman ng dalaga, “Bakit itim? Naglagay ka pa ng concealer kung iitiman mo naman pala?”
“Hindi ko na alam ang gagawin ko! Ha-hahaha! Pink (shadow) na lang. Alam mo uso sa Korean ito, ‘yung parang nangati lang ang mata mo na naluluha (sabay lagay din sa gilid ng mata),” kuwento ng binata.
“Ano ‘yan? Ang nilalagay diyan shimmer,” sabi ni Erich.
May mascara rin, “Natatakot ako maglagay, bakit marami? Ayaw ko na,” sambit ng aktor.
Finally natapos na ang make-up challenge ng dalawa at bago pinatingin ni Enchong si Erich sa salamin ay, “Bago natin i-reveal kung ano, I just follow kung ano ‘yung sinabi mo ha. Feeling ko seductive (looking). Feeling ko pasado, eh (sabay tingin nito sa salamin).”
At nang tiningnan ni Erich ang mukha sa salamin, “Sinasabi ko na, ‘Chong!”
Pulang-pula naman sa katatawa ang aktor na hindi malaman kung ano ang gagawin.
“Ano ‘to? Nakakaiyak ‘to! Hindi na lang ako lalabas (may lakad pa man din ang aktres). Wala ng oras pa para ayusin ‘to,” malumanay nitong sabi.
Para kasing nagmukhang “Alyas Baby Tsina” si Erich. Pero at least alam na natin ang itsura niya kung sakaling siya ang kunin sa remake ng pelikula ni Cong. Vilma Santos-Recto na idinirek ng namayapang si Marilou Diaz Abaya noong 1984.