Target ni Tulfo by Mon Tulfo
TUMATAKBONG kongresista si Mikey Arroyo, panganay na anak ni Pangulong Gloria at First Gentleman Mike Arroyo, sa party-list na Ang Galing Pinoy. Ang Galing Pinoy ay kumakatawan ng mga security guards sa bansa. Kailan ba naging security guard si Mikey Arroyo?
* * *
Maraming prominenteng tao na tumatakbo bilang party-list representative na wala namang kinalaman sa kanilang partido. For example, ang tiyahin ni Mikey na si Marilou Arroyo ay kumakatawan ng mga balut vendors sa House of Representatives at ngayon at tatakbong muli. Kailan ba naging balut vendor si Marilou Arroyo? Baka masuka pa nga yan kapag siya’y kumain ng balut o penoy.
* * *
Ito namang si Mike Velarde na lider ng Catholic charismatic group na El Shaddai ay tatakbo rin sa party-list Buhay. May balak sana si Velarde na tumakbo bilang Pangulo ng Pilipinas, pero nang malaman niya na di siya gusto ng taumbayan, he settled to run for the party-list. Talagang atat na atat sa politika itong si Mike Velarde at kanyang mga anak. Ang anak niyang si Mariano Michael ay first nominee sa Buhay. Ang isa namang anak ni Velarde na si Rene ay incumbent Buhay representative at tumatakbong muli. Di ba kayo nahihiya sa ginagawa ninyo? Wala na bang ibang kandidato na mapili para sa Buhay bukod sa inyong mag-aama? Ang Buhay, na kasangga ng El Shaddai, ay No. 1 sa mga nanalong party-list noong nakaraang eleksyon. Karamihan ng mga bumoto sa Buhay ay mga El Shaddai followers na tatalon sa ilog Pasig kung sabihin sa kanila ni Velarde. Kawawang mga nilalang!
* * *
Kung alam lang ng mga followers ni Velarde sa El Shaddai kung ano ang pagkatao niya baka di na maniwala sa kanya. Si Mike Velarde ay maraming kasong estafa na naka-record sa National Bureau of Investigation (NBI). Ang estafa ay panloloko sa kapwa sa pamamagitan ng panlilinlang gaya ng pag-isyu ng tseke na walang pondo sa bangko. Ang estafador ay masahol pa sa killer. Ang killer ay kumikitil ng buhay ng iba pagkat masyado itong inagrabyado. Pero ang estafador ay sinadya ang panloloko sa kapwa. Alam kaya ng mga miyembro ng El Shaddai na ginawa ni Velarde na mang-estafa dahil lulong siya sa sugal noon? Na-drop ang mga kasong estafa laban sa kanya nang binayaran niya ang kanyang mga na-estafa through out-of-court settlements. Paano malalaman ng taumbayan na kapag naluklok siya bilang party-list representative, hindi na siya mag-estafa? Ah, kung sabagay, marami na siyang pera ngayon dahil sa “love offering” ng kanyang mga followers kaya’t hindi na siya estafador. Milyun-milyon tuwing Linggo ang nakakamal ni Velarde sa kanyang mga followers sa pamamagitan ng “love offering.” Kapag nagbigay ka raw ng love offering kay Velarde, mapupunta ka sa Langit. Di ba panloloko yan? Paano ka mapunta sa Langit dahil lamang nagbigay ka ng maliit na halaga kay Velarde? Ano naman ang akala ni Mike Velarde sa Diyos, mukhang pera? Nagbebenta pa ng panyo na may markang “El Shaddai” at pati langis na nakakapagpagaling daw ng sakit. Di ba another form of estafa yan? Legal nga lang dahil kusang loob na ibinigay ang kakapiranggot na halaga.
* * *
Dear readers, bakit pa ninyo idadaan ang inyong love offering sa mga pari o kay Mike Velarde, bakit di na lang ninyo ideretso ang pagbibigay sa bahay-kawanggawa? Akala ba ninyo ay ginagastos ang pera ninyo sa pagkakalat ng Salita ng Diyos? Noong ako’y police reporter pa ng Manila Bulletin, pumunta kami sa kumbento ng mga pari sa Quiapo Church dahil may pinatay na pari. Nakita ng dalawa kong mata na ang limos na mga barya ay nakalagay sa ilalim ng kama noong paring pinatay. Bakit niya inilagay ang pera sa ilalim ng kanyang kama, at hindi sa kaha ng simbahan? Kung gusto n’yong umunlad, magbigay kayo sa kawanggawa at hindi kay Mike Velarde o sa mga pari na maaaring pinambabae lang ang inyong pera.
Bandera, 032610