Semana Santa 2010: Ipagdasal ang mga pari

Bandera Editorial

KRITIKAL at sensitibo ang Semana Santa sa taon ito, 2010.  Maaaring hindi nararamdaman ito sa Pilipinas dahil kunsintidor din naman tayo sa mga sekswal na kasalanan ng mga pari.
Kundi kunsintidor ay naaayos ang mga kaso, tulad ng nangyari sa Iloilo, at tulad ng napakaraming nangyari sa Massachusetts, kung saan bahagi ng areglo ay bayaran ang danyos at bayaran ang areglo, bunsod para ibenta mismo ng Simbahang Katolika ang mga ari-arian. Sa buong Amerika, di lamang sa Massachusetts at California, nagbayad ng $2.7 bilyon ang simbahan, na napunta sa mga insurers, areglo, attorneys’ fees at iba pang “abuse-related costs.”
Gumugulong ngayon sa kahihiyan ang Simbahang Katolika sa Europa dahil itinuring nang krisis ang sex abuse ng mga pari, samantalang medyo bumaba ang insidente sa Amerika, pero di pa tuluyang nawala.
Sa Roma mismo ay may mga bayarin at areglo rin na kinakaharap ang simbahan dahil sa mga reklamong sekswal sa mga pari, marami sa kanila ay mga menor de edad.
Sa nakalitas na ikalawang National Congress of the Clergy na ginanap sa Pasay, ang pangunahing problema rin ay ang kaway at tukso ng laman, na tila inalis na ang salitang “labanan at iwasan.”  Di inilahad sa publiko ang sekretong pulong hinggil sa sexual abuse.
Bagaman bumaba na ang bilang ng sexual abuse ng mga pari sa Amerika, di ibig sabihin ay nakababangon na ang simbahan dahil ang tinamaan ay ang pananalapi ng simbahan.  Kung lugmok ang diocesan investments dahil sa nawalang $2.7 bilyon, saan nila babawiin ito?  Sa abuloy ng mga nagsisimba (konti na rin ang nagsisimba dahil di kaya ng konsensiya ang kahihiyan)?
Ang US Conference of Catholic Bishops ay nakapagtala ng “398 allegations of abuse involving clergy from Catholic dioceses… (involving) preteen or teen males and incidents that were decades old.”
Kung tutuusin, hindi na bago ito sa Pilipinas dahil ito’y maliwanang na ikinuwento ni Dr. Jose Rizal sa Noli Me Tangere.
Kung ang bawat Semana Santa ay tinutukoy lamang ang mga makasalanan sa labas ng simbahan, ngayong paggunita sa pagpapasakit ng Tagapagligtas ay isama na rin natin sa dalangin ang mga nasa loob ng simbahan.

Bandera, 032410

Read more...