Meghan Markle may pasabog laban sa British monarchy; Palasyo tahimik pa rin sa isyu

meghan markle

Si Meghan, Duchess of Sussex, habang kinakapanayam ni Oprah Winfrey. (Reuters)

LONDON — Nananatiling tahimik ang monarkiya ng Britanya nitong Martes, matapos na akusahan ni Meghan at Prince Harry ang isang myembro ng pamilya ng pagbibitaw ng racist na pahayag tungkol sa kanilang anak.

Sa panayam ni Oprah Winfrey sa telebisyon ay kinaladkad ng mag-asawa ang monarkiya sa pinakamalaking krisis nito matapos ang  kamatayan ng ina ni Harry na si Princess Diana noong 1997, nang ang pamilya, sa pangunguna ni Queen Elizabeth, ay malawakang tinuligsa dahil sa mabagal na pagresponde sa pangyayari.

Sa dalawang oras na panayam na inere sa CBS noong Linggo ng gabi, sinabi ni Harry na maging ang kanyang ama, ang tagapagmana ng korona na si Prince Charles, ay binigo siya.

Si Queen Elizabeth, 94, at nasa trono sa loob ng 69 na taon, ay nangangailangan ng kaunting panahon bago magpalabas ng pahayag ng palasyo, ayon sa royal source.

Matapos ang tatlong taon mula nang siya ay ikasal sa Windsor Castle, nakakuha ng simpatiya si Meghan sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagbandera sa ilang di pinangalanang myembro ng British royal family na di mapagmahal, sinungaling at nagbibitiw ng racist na remarks.

Si Meghan, na ang ina ay Black at ang ama ay puti, ay nagsabi na ang kanyang anak na si Archie, na magdadalawang-taon sa darating na Mayo, ay di binigyan ng titulong prinsepe dahil may mga myembro ng royal family ang umano ay nag-aalala sa kanyang maitim na balat.

Hindi niya sinabi kung sino ang nagpahayag nito, ganundin si Harry. Ayon kay Winfrey, hindi rin nanggaling ang salitang iyon mula sa reyna o sa kanyang 99-taong gulang na asawa na si Prince Philip.

Sinabi naman ni Harry na tinanggalan na sila ng suportang pinansiyal at ang ama naman niyang si Prince Charles ay may mga panahong ayaw tanggapin ang kanyang mga tawag sa telepono.

Samantala, may mga tagasuporta ang monarkiya na binansagan si Meghan, isang 39-taong gulang na dating aktres sa US, na isang publicity seeker na nangangarap maging tanyag sa Hollywood.

Mula sa ulat ng Reuters
Read more...