Hiniling ni Albay Rep. Joey Salceda sa Bureau of Customs (BOC) na payagan ang Department of Agriculture (DA) at iba pang opisina nito gaya Bureau of Animal Industry (BAI) na inspeksyunin ang mga karneng pumapasok sa Pilipinas.
Ito’y para makatulong na mapigilan ang lalo pang pagkalat ng African swine fever sa mga piggery sa bansa.
Partikular na hinihiling ni Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, sa BOC na bawasan ang mga prosesong kailangan ng DA para mag-inspeksyon.
Sabi ng kongresista na “urgent” ang bagay na ito dahil sa nakaaalarmang meat inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng karne.
Kailangan anyang protektahan ang domestic supply mula sa lalo pang pagbaba dahil sa ASF, kaya mahalagang ma-sanitize ang inaangkat na karne.
Binigyang diin nito na hindi na uubra ang monetary o regulatory controls dahil ang problema ay sadyang humihina ang supply ng pagkain kaya isa sa mga solusyon ang mag-angkat.
Kaugnay nito’y dapat anyang bigyan ng kapangyarihan ang DA na mag-inspeksyon ng raw imported food para matiyak na ligtas ang mga ito o walang dalang sakit na maaaring lalo pang magpahina sa lokal na industriya.