#BlessingPaMore: Huling 2 linggong pasabog ng ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’ nina Iza at Jodi ipalalabas din sa TV5

ITINUTURING na bonggang blessing ng cast members ng Kapamilya primetime series na “Ang Sa Iyo Ay Akin” ang pag-ere ng kanilang programa sa TV5.

Last Friday, bumandera ang official announcement ng ABS-CBN at TV5 na simula ngayong Lunes, March 8, mapapanood na ang apat pang “Primetime Bida” shows sa Kapatid network.

Bukod nga sa huling dalawang linggo ng serye nina Iza Calzado, Sam Milby at Jodi Sta. Maria na “Ang Sa Iyo Ay Akin”,  ipalalabas na rin sa Singko ang “FPJ’s: Ang Probinsiyano”, “Walang Hanggang Paalam” at ang finale week ng Pinoy Big Brother: Connect.”

“Biyaya talaga, kahit huling dalawang linggo, mapanood siya ng mas maraming mga tao na Kapamilya natin. Malaking bagay na ‘yan kaya taospuso pong pasasalamat sa Panginoong Diyos because this is really his gift,” mensahe ni Iza.

Sabi naman ni Sam, “huge blessing” talaga ang pagbabalik sa free TV ng ABS-CBN, “This is a huge blessing at sana, kasi last two weeks (na ng serye), lahat ng pasabog, sana kahit paano maka-catch up yung mga manonood.”

Pahayag naman ng isa pa sa cast member ng serye na si Joseph Marco, “I’m really happy, sana magtuloy tuloy na ito, this is a start, babangon tayo, magtutulungan tayo at darating tayo doon!”

Ang teleseryeng “Ang Sa Iyo Ay Akin” ang maituturing na pinaka-successful na drama series na nabuo, naitawid at magtatapos sa gitna ng pandemya at sa pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ito rin ang kauna-unayang serye na inilabas sa pamamagitan ng digital platform. Bukod sa mga papuring tinatanggap ng “ASIAA” mula sa manonood, lagi rin itong trending sa social media.

Samantala, makatigil-hinigang tagpo na naman ang sasalubong sa viewers ngayong darating na linggo dahil malalagay sa bingit ng kamatayan si Jake (Grae Fernandez) sa tangka nitong muling takasan si Caesar (Simon Ibarra) sa “Ang Sa Iyo Ay Akin.”

Nagpasiya si Caesar na sumama kay Red (Manuel Chua) matapos matunton ng huli ang lokasyon nina Jake at Hope (Kira Balinger) para siguraduhing mapatay ang dalawa.

Sa kabilang banda, nalaman rin ni Gabriel (Sam) ang kinaroroonan ng mga anak kung kaya’t magmamadali itong puntahan sila.

Sa paglapit niya sa kinaroroonan nina Jake at Hope, makakasalubong niya si Avel (Joseph).

At sa pag-uunahan naman nina Gabriel, Avel, at Caesar na maabutan ang dalawa, isang kapahamakan ang sasalubong kay Jake.

Samantala, tuluyan nang napaikot ni Marissa (Jodi) si Caesar dahil nakumbinsi itong ilaglag si Ellice (Iza) kapalit ang mga dokumentong naglalaman ng mga anomalyang kasangkot siya.

Magwagi kaya si Caesar sa kanyang mga binabalak? Tuluyan na kayang mawalan muli ng anak si Marissa? Ano kaya ang mangyayari kay Ellice sa ginawang pagsisiwalat ni Caesar?

Ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” ay likha nina Julie Anne Benitez at Dindo Perez.

Tutukan ang huling dalawang linggo ng hit serye gabi-gabi, 8:40 p.m sa A2Z channel at TV5. Palabas rin ito sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, Cignal channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

Read more...