Vice kapag bigo sa pag-ibig: Super clubbing ako dati! Inom, puyat, harot, ganern!
NAGBAHAGI ng payo ang TV host at comedian na si Vice Ganda para sa lahat ng mga nabigo sa pag-ibig at sa mga taong parang gusto nang sumuko sa love.
Sa nakaraang episode ng “It’s Showtime”, naging seryoso ang pagtalakay ni Vice sa usaping failed relationships matapos mag-perform ang isang contestant sa “Tawag Ng Tanghalan.”
Kinanta ni Pamela Anne ang isa sa classic hit ni Whitney Houston na “Where Do Broken Hearts Go?” at dito nga humugot si Vice ng kanyang pahayag para paalalahanan ang mga hindi pa sinuswerte sa larangan ng pakikipagrelasyon.
Sabi ng komedyante, “Ang sagot sa ‘where do broken hearts go?’ ay home. You go home. Not necessarily in your house but you go home. You go wherever you feel home. You go with your friends. You go with your family.”
“Kung saan may tatanggap sa ’yo at aalalayan ka. Kasi ’yun ’yung konsepto ng home di ba? It’s a safe place. It’s a safe feeling,” pahayag ni Vice.
Para sa kanya, hindi sagot sa pagkabigo sa pag-ibig o sa kahit anong problema at pagsubok ang pagpunta sa mga bar para uminom at magpakalasing.
“Kapag may sugat ka raw hindi lang dapat basta bina-Band Aid-an. Kailangan ginagamot siya. ’Yung iba kasi tinatapalan lang para di makita ’yung sugat.
“Hindi raw basta gumagaling ang sugat ’pag tinatapalan kasi dapat siya ginagamot at pinapahanginan para gumaling,” aniya pa.
Pahayag pa ng partner ng actor-TV host na si Ion Perez, bahagi ng healing process ang sakit, “Kasama ’yung hapdi sa paggaling. Kailangan pagdaanan mo ’yung hapdi. Bawat stages. ’Yung iba kasi di dinadaanan lahat ng stages.”
Samantala, sabi naman ng co-host ni Vice sa show na si Kim Chiu, sinarili lamang niya ang sakit noong mabigo siya sa pag-ibig.
“Sinarili ko lang. Iyon ang isa sa mga bagay na pinagsisihan ko na sinarili ko yung lungkot at poot. Dapat pala kapag malungkot ka, kinukwento mo nang kinukwento.
“Iniiyak mo nang iniiyak. Tapos lumabas ka with friends. Humingi ka ng ibang opinyon kung paano mo haharapin ’yung ganu’ng bagay,” lahad ng TV host-actress.
Hirit uli ni Vice, “Ako club. Where do broken hearts go? Club. Super clubbing ako dati, ’no? Inom. Puyat. Harot, gano’n. Rampa with friends. Ayokong malungkot kaya lumalabas pa rin ako.
“Inuubos ko ’yung oras ko. Kaya naubos din ’yung kalusugan ko. That was very unhealthy. Kailangan balance,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.