Princess sa pasaway na youngstars: Nasa trabaho ka para magtrabaho hindi para makichika at mag-social media

INISA-ISA ng aktres at dating TV host na si Princess Punzalan ang mga ugali ng ilang kabataang artistang kinaiinisan niya kapag nasa trabaho.

Sa Amerika na naninirahan ngayon ang magaling na kontrabida sa telebisyon at pelikula kasama ang kanyang pamilya. Isa na siya ngayong nurse roon at nagsisilbi ring frontliner.
May mga acting projects na rin siyang nagawa roon kaya kahit paano’y hindi nababahagi pa rin niya sa manonood ang talento niya sa pag-arte.

Kamakailan, ay nakachikahan ni Princess si Paolo Contis sa digital show nitong “Just In” kung saan nga niya sinabi na tumatanggap pa rin siya ng mga project kapag bumibisita siya sa Pilipinas.

Sa isang bahagi ng panayam, natanong si Princess kung ano ang masasabi niya sa work ethics ng mga youngstar ngayon sa showbiz.

“Ang isang napansin ko, kapag nasa set, huwag na magtelepono,” sagot ng aktres. Aniya, kapag kailangan nang mag-reading ay iwan na muna ang cellphone.

“Huwag nang mag-text. Kapag nagri-reading na huwag ka na gumamit ng telepono.

“I mean nasa trabaho ka para magtrabaho hindi para makichika at para makipag-social media. My gosh!” pahayag pa niya.

Ang ayaw na ayaw pa ni Princess sa ilang artista ay ang mababagal kumilos kapag nasa trabaho, “Kapag sinabi na ng assistant director at ng PA na bihis na, bihis na!”

“Huwag nang chika-chika masyado whatever. Oh my gosh, sayang ang oras. Huwag na masyadong maarte sa kung anu-anong mga ayos diyan,” dagdag pa ng aktres.

Diin pa niya, “Huwag na magkuwentuhan dahil hindi tayo binabayaran para magkuwentuhan.”

* * *

Kuwento ng pag-iibigang tinututulan ng kani-kanilang pamilya at mistaken identity ang matutunghayan ngayong Sabado sa “Wish Ko Lang!” kasama ang MiKel love team na sina Mikee Quintos at Kelvin Miranda.

Gaganap si Kelvin bilang si Aries, ang lalaking nakipagtanan sa kaniyang kasintahan na si Krystal (Mikee), matapos tutulan ng kani-kanilang mga magulang ang kanilang pagmamahalan.

Sa nasabing episode, agawan sa lupa ang puno’t dulo ng alitan ng kani-kanilang pamilya na pilit na pinaglalabanan nina Aries at Krystal. Pero dahil matigas ang kanilang mga magulang, nagpasya ang dalawa na magtanan.

Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, nahuli nina Aries at Krystal ang grupo ng mga lalaking nagtangkang sunugin ang lupa na pinag-aawayan ng kanilang mga magulang. Dahil dito, nalagay sa panganib ang dalawa at nagtago.

Sa kanilang pagbabalik, laking gulat ng dalawa nang may madatnan silang burol ng pinagkamalang bangkay ni Aries. Akala pala ng pamilya nila, patay na si Aries. Kaya naman ang mga tao sa burol, inakalang multo niya ang kanilang nakita.

Ayon sa interview ni Lhar Santiago kay Mikee at Kelvin, kakaiba sa papel ni Kelvin sa “The Lost Recipe” (TLR) ang karakter niya sa Wish. Masungit at pino kung kumilos si Chef Harvey sa “TLR,” habang si Aries ay mas mabait at mas expressive sa kaniyang nararamdaman sa babaeng minamahal.

Makakasama nila sa episode na ito sina Maureen Larrazabal, na gaganap na ina ni Mikee, at Sue Prado, bilang ina ni Kelvin. Magpapaganda rin sa kuwentong ito ang mga nina Ms. Manila 2020 Alexandra Abdon at stand-up comedian Pepita Curtis.

Kilig na may kasamang katatawanan ang hatid ng “Maling Akala” episode na ito sa “Wish Ko Lang!” hosted by Vicky Morales. Ngayong Sabado na ito, 4 p.m. sa GMA.

Read more...