Alam nito ang lahat ng ginagawa niyang pagtulong sa mga kababayang nangangailangan simula pa noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Actually, kahit naman wala pang pandemya ay matagal nang tumutulong si Willie kaya nga marami na ang nag-uudyok sa kanyang pasukin ang politika pero makailang beses na rin niya itong tinanggihan dahil katwiran niya hindi niya kailangang magkapuwesto para tumulong.
Pero kamakailan lang ay mismong si Sen. Bong Go na ang kumausap kay Willie.
Inimbitahan ng senador si Willie kasama si Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang dinner at marami silang napagkuwentuhan hanggang sa on the spot ay tinanong ng una ang TV host ng, “Ano ba ang mga plano mo?”
Sagot ni Willie, gusto lang niyang magpasaya parati ng mga kababayan niya at tulungan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng “Wowowin: Tutok to Win” na dumarami pa lalo ang sponsors.
Balik-tanong ng senador, “Wala ka bang planong mas palawakin ang ginagawa mong pagtulong?”
Kaagad namang sagot ni Willie, “Wala sa isip ko ang ganu’n.”
Sa gitna ng masarap na kuwentuhan ay tumawag si Pangulong Duterte kay Sen. Bong at gustong kausapin ang TV host, “Kakausapin ka ni Pangulong Duterte.”
Hindi kaagad nakapagsalita si Willie at tanging nasambit nito, “Good evening, Mr. President.”
“Willie, maraming salamat sa pagtulong mo sa mga kababayan natin. Pinanonood kita. Alam ko ang mga ginagawa mong pag-ayuda sa mga nangangailangan,” sabi ni PRRD sa kabilang linya.
At muling kinausap ni Presidente si Sen. Bong at ang bilin daw kay Willie, “Leave your options open daw, sabi ni Pangulo.”
Sa daldal ni Willie sa telebisyon ay bigla siyang natahimik ng mga sandaling iyon hanggang sa nakarating na siya sa bahay niya ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang bilin ng Pangulo.
Kung hindi pa rin nababago ang pagkakakilala namin sa dating musikero, komedyante at TV host ay mas nanaisin niya ang tahimik na buhay, malaya niyang nagagawa ang gusto niya na pagkatapos ng buong araw na trabaho ay uuwi siya sa bahay niya nang pagod na pagod pero sobrang saya ng puso niya dahil marami na naman siyang napasayang tao.
Lalo na ngayon na hindi niya inakala na mino-monitor pala ng Presidente ang ginagawa niyang pagtulong kaya tumatalon ang puso niya sa galak sa gabing iyon.
‘Yun lang, malaking hamon ang sinabi sa kanya ni PRRD at siguradong napag-isip din si Willie kung tatanggapin o hindi ang alok sa kanya sa 2022.