Angelica sumugal uli sa pag-ibig: Para kang tatalon sa eroplano… kailangan kong subukan

NAPAKARAMING natutunan ni Angelica Panganiban sa kanyang mga failed relationship pati na rin sa lahat ng lalaking minahal niya.

Masaya na uli ngayon ang puso ni Angelica dahil sa bago niyang non-showbiz boyfriend na si Gregg Homan at umaasa siya na sana’y natagpuan na nga niya ang kanyang “forever.”

Alam naman ng lahat na hindi sinuwerte ang Kapamilya actress sa kanyang mga nakarelasyon noon, kabilang na riyan sina John Lloyd Cruz, Derek Ramsay at Carlo Aquino, pero hindi pa rin siya sumuko sa love.

Sa nakaraang panayam kay Angelica sa mediacon ng bago niyang pelikulang “Love or Money”, natanong ang dalaga kung anu-ano ang natutunan niya sa kanyang past relationships.

“Unahin ang sarili. Parang kahit anong mangyari parang ayokong mawala yung in-invest ko sa sarili ko. Sa lahat ng natutunan ko, parang unahin yung sarili, yung respeto sa sarili.

“Parang hindi na pala yun puwede mawala kahit gaano ka ka-in love dito sa taong ‘to. Mas importante dapat mas mahal mo pa rin sarili mo. Una lagi yung sarili,” sagot ni Angelica.

Nagbigay din siya ng advice sa lahat ng mga broken-hearted kasabay ng pagsasabing nakaka-relate siya sa mga taong nakakaramdam na ng kawalan ng pag-asa pagdating sa lovelife.

“Parang di ko alam, kasi sumuko din naman ako. Umabot din naman ako sa point na ayoko na. Parang nakakapagod na rin yung relasyon. Magsisimula ka na naman, kikilalanin mo, eestimahin mo, pakikisamahan mo.

“So parang, hay nakakapagod yan, tapos hindi mo alam kung ano yung pinapasok mo, eto na ba yun or masasaktan ka lang ulit? Para kang tumatalong… para kang magba-bungee jumping or tatalon ka sa eroplano.

“Ganu’n yung pakiramdam niya na parang, wala kung hindi ko ito gagawin manghihinayang ako. Choice siya eh.

“Lahat naman tayo may choice. Parang, ano bang gusto mo? Masaya ka na mag-isa o masaya ka na meron kang kasama?” chika ng aktres.

Patuloy pa niya, “Mahirap maging single. Mahirap din magkaroon ng relasyon. So parehas siyang mahirap. Parang mahirap magpapayat, mahirap din maging obese.

“Nakakatamad mag-exercise pero parang it’s a matter of choice lang talaga, kung ano talaga yung magpapasaya sa iyo. So parang umabot lang siguro ako sa point na parang bakit hindi ko subukan?

“Bakit ko kayang mag-take ng risk noon sa mga maling tao and baka ma-miss ko yung opportunity ko sa tamang tao? Kailangan ko lang talagang mag-take ng risk and i-enjoy lang,” lahad pa ni Angelica.

Read more...