Hamon ni DJ Chacha: Hanap kayo ng resibo na may paninira ako sa oposisyon o pagsuporta sa administrasyon

HINAMON ni DJ Chacha ang isang news website na maglabas ng katibayan para masabing kasama siya sa mga kumita sa mga propaganda ng Duterte administration simula pa noong 2017.

Tweet ni DJ Chacha, “Hanap kayo resibo na may shinare ako na post or tweet ng paninira sa oposisyon o pagsuporta sa administrasyon. HANAP. Isa isahin niyo.”

Dahil sa inilabas na mga pangalan ng nasabing website ay maraming sikat na personalidad ang nagulat at ang iba ay hindi napigilang ilabas ang kanilang saloobin tulad na lang ni Sharon Cuneta.

Matapang na sabi ng Megastar, “Ikinahihiya ko na sabihing kasama ko sila sa industriya.”

Hirit ulit ng partner ni Ted Failon sa programa nila sa Radyo5, “O siya, isa isahin niyo facebook posts ko nu’ng 2017. KUMU na muna ko mga mars! Dun tayo magkwentuhan mamayang 9pm.”

Matapang naman siyang sinagot ni @pepcpam ng, “Dati na yan. Lagi ko binabanggit ‘yan s’ya wala pang pandemya sa MOR gabi-gabi lagi nya pino promote si Digong, ‘tas lagi bukambibig ‘wag daw puro reklamo sa gobyerno tayo nalang daw mag presidente. E umugong na balita ipapasara ni Digong ang @ABSCBN nigla nagiba na tuno nya.”

Hirit ni DJ Chacha, “Huwaw hahahahaha resibo sist (sister).”

Say ulit ni @pepcpam, “Wait natin… for the resibo pero di maiaalis ang fact na you’re supporting Digong nu’n dipa pinapasara ang @ABSCBN. At sa programa mo lagi ka nagpapasaring sa aming mga kritiko na panay reklamo sa gobyerno ni tatay Digong.”

“Bakit kase hindi sinama ‘yung resibo saken? ‘Yung ibang stars andun ‘yung propaganda posts daw? ‘Yung saken nasaan?” say pa ng kilalang radio personality.

Say naman ni @bnzmagsambol, nagpadala raw ng e-mail ang nasabing website kay DJ Chacha noong Feb. 16 “to ask for comment but she didn’t reply.”

Tugon ni DJ Chacha, “Hi Bonz! I didn’t reply because VCM management replied on behalf of their talents. But still, the headline is misleading show evidence na may propaganda ‘yung post ko.”

Samantala, bukod kay DJ Chacha, kasama rin sa listahan ng umano’y nagpapakalat ng propaganda ng Duterte administration ay sina Assistant Secretary of the Presidential Communications Operations Office (PCOO), Mocha Uson, Jasmin Curtis at Paulo Avelino.

Bukas ang BANDERA para sa paliwanag ng mga nabanggit na personalidad para sa agarang ikalilinaw ng issue. Agad naming ilalabas ang kanilang official statement.

* * *

Ang ABS-CBN Entertainment na pala ang na­ngungunang YouTube channel sa buong Southeast Asia matapos maitala ang pinakamaraming subscribers at pinakamaraming views sa lahat ng channels sa rehiyon.

Noong Pebrero, umabot na diumano sa 32.7 milyong subscribers at higit sa 43 bilyong views ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ayon sa global video measurement at analytics platform na Tubular Labs.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga naka-subscribe sa aming YouTube channel at patuloy na nanonood ng ABS-CBN entertainment shows online. Ibinabahagi namin ang pagkilalang ito sa lahat ng aming mga Kapamilyang patuloy na minamahal at sinusuportahan ang aming mga palabas.

“Patuloy kaming gagawa ng mga kwento at karanasang nagbibigay ng saya at inspirasyon at maghahanap pa ng mga paraan para maabot at mapaglingkuran ang aming mga Kapamilya,” pahayag ni Cory Vidanes, ang chief operating officer for broadcast ng ABS-CBN.

Marami pa umanong aabangang bagong palabas ang subscribers ng channel ngayong taon, sa pagdating ng mga teleseryeng “Huwag Kang Ma­ngamba”, “La Vida Lena”, tagalized episodes ng “Count Your Lucky Stars” ni Jerry Yan, “Init sa Magdamag”, at “Almost Paradise,” ang pinakaunang American TV series na kinunan sa Pilipinas at co-produced ng ABS-CBN.

Ayon naman sa digital head ng network na kasalukuyang hindi nakakapag-operate sa free TV na si Jamie Lopez, “Ang paglawak ng aming YouTube channel ay patunay na tinatangkilik ang mga palabas ng ABS-CBN hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Bilang mga taga­kwento, layunin naming maabot pa ng aming mga serbisyo ang mas maraming tao sa pamamagitan ng pagpapalawak ng aming digital platforms gaya ng iWantTFC, KTX.PH, MOR Entertainment, at marami pang iba.”

May pagsisisi kaya ang mga artistang nagsialisan sa kanila nang hindi payagang magkaroon uli ito ng franchise?

Read more...