NAG-SHARE ng ilang tips ang Kapuso actor-TV host na si Juancho Trivino sa mga kalalakihan na nanliligaw pa lang sa mga babaeng kanilang napupusuan.
Sa pamamagitan ng isang throwback video nila ng asawang si Joyce Pring, nagbigay ng mga payo ang aktor kung paano mas mapapakilig at mapapasagot ng “oo” ang kanilang nililigawan.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Juancho ang lumang video clip nila ni Joyce na kinunan daw noong 2018. Dito pa lang daw nagsisimula ang kanilang love story.
“Congratulations on being beautiful,” ang papuri ni Juancho kay Joyce na tila dedma lang sabay nag-make face sa video pero kitang-kita naman na kinilig din siya sa sinabi ng noo’y nanliligaw pa lang na aktor.
Pangako ni Juancho, bilang bahagi ng kanyang #Panliligaw101 session, magpo-post pa siya ng iba pang video para makapagbigay ng iba pang tips sa mga guys.
“Sa mga sumabaybay sa #Panliligaw101 ko, wag kayo mag alala, hindi ko kayo papabayaan – meron pa ko ng mga videos kung papano manligaw,” sabi ni Juancho sa caption.
“Itong tip na ito ay lagi mo silang bigyan ng complement, wag niyo pansinin kahit sinasabi nila ‘nambobola ka lang’ sabihin mo from the heart and matutuwa sila. Tingnan niyo ngayon, kasal na kami,” hirit pa ng Kapuso leading man with matching red heart emoji at isang emoji na may shades.
Ikinasal sina Juancho at Joyce noong February, 2020 at very soon ay magiging parents na rin sila dahil ilang linggo na ngayong buntis ang Kapuso TV host.
* * *
May mahalagang mensahe si Lance Busa tungkol sa pagmamamahal sa sarili sa bersyon niya ng orihinal na kanta ni Yeng Constantino na “Ako Muna” mula sa Star Pop.
Unang inawit ng “Idol PH” third placer ang madamdaming kanta sa live round ng kompetisyon noong 2019, na nagmarka sa kanyang mga tagasuporta.
“Ito po ‘yung bagong version na sana po magustuhan niyo kasi this song is for self-improvement, and talagang you’ll see your importance, and self-love,” ani Lance sa Instagram live para sa launch ng kanta.
Ang “Ako Muna” ay isang makahulugang awitin tungkol sa pagpili sa sarili matapos ang masakit na karanasan sa buhay na isinulat ni Yeng bilang bahagi ng kanyang 2018 “Synesthesia” album. Ipinrodyus ni Star Pop head Rox Santos at in-arrange ni Tommy Katigbak ang rendisyon ni Lance ng kanta.
Noong 2020, inilabas ni Lance ang debut single niya sa Star Music na “Sa Aking Mundo,” na isinulat ng songwriter-producer na si KIKX Salazar para sa kanyang “After Dark ‘The Final Hour’” EP.
Unahin ang iyong sarili at pakinggan ang “Ako Muna” ni Lance sa iba’t ibang digital music platforms.