Sa pera pwedeng mangutang, pwede kang magsipag pero sa love, dasal talaga

KUNG kayo ang papipiliin, ano ang mas matimbang sa buhay — pagmamahal o pera?

Sa 10 tinanong namin, love ang kanilang naging sagot dahil katwiran nila, ang pera pwedeng-pwedeng pagtabahuan at kitain pero ang tunay na pag-ibig ay napakahirap hanapin.

Ganyan din ang sagot ng Hugot Queen na si Angelica Panganiban na bida sa pelikulang “Love or Money” kasama si Coco Martin nang tanungin kung ano ang mas mahalaga sa kanya — true love o pera?

“Ako, ever since, love. Tama naman yung sinasabi ng pelikula, parang kung masipag ka pwede mo kitain ang pera. ’Yung love kahit ano’ng sipag mo wala e, di talaga,” ang pahayag ni Angelica na super happy ngayon sa piling ng bago niyang non-showbiz boyfriend.

Aniya pa, “Feeling ko kasi yung pera pwede ka mangutang, pwede kang magsipag. Pero sa love, pinagdarasal mo talaga siya.”

Hiningan din ng advice ang Kapamilya actress para sa mga taong nahihirapang pumili sa pagitan ng pera o true love. Ang sabi ng dalaga, basta magpakatotoo lang kayo sa inyong sarili.

“Hindi mo pwedeng husgahan yung mga taong pipiliin ang money kung doon sila magiging masaya o may mga taong sumuko na talaga sa love.

“Parang sasabihin nila sa yo, ‘Wala akong swerte d’yan so sarili ko na lang aatupagin ko. Magsisipag ako. Magpapakayaman ako tapos ihu-who-you ko lahat ng lalaki.

“Iba-iba kasi talaga tayo ng mga pinagdaraanan sa buhay. Parang wala akong mabibigay na advice kundi magpakatotoo ka lang sa sarili mo kung saan ka magiging masaya then go,” pahayag pa ni Angelica.

Ngunit may warning lang ang aktres at magaling na komedyana sa lahat ng susugal sa pagmamahal, “Kung gusto mo talaga hanapin yung love, good luck.

“Parehas siyang mahirap (love and money). Sana nga pwede mo makuha yung both. Napakaswerte mo na talaga sa buhay kapag nakuha mo yung dalawang ’yun,” aniya pa.

Nauna rito, sinabi ni Angelica na wala talaga siyang balak na mag-post sa Instagram ng tungkol sa boyfriend niyang si Gregg Homan.

“Wala rin namang intention na i-broadcast din. Siyempre dumating na rin ako sa point na gusto mong maging kung ano yung private, eh sana manatiling private na lang.

“Kasi minsan hindi mo nakikita yung point tapos mas gumugulo kapag mas marami nang nakikisawsaw na mga tao. Lalo na hindi naman taga-showbiz yung kasama ko.

“So, parang gusto mo ring respetuhin yung privacy niya, di ba? Kaya lang, artista ako so mahirap din naman na ipagdamot yun sa mga tao,” paliwanag niya.

“Parang wala naman akong plano. Parang gusto ko lang din maging proud, eh. Siguro parang i-share lang din yung happiness dahil maraming tao rin kasi kapag malungkot ako o nasaktan ako nandiyan sila para sa akin at nasasaktan sila at the same time nalulungkot sila para sa akin.

“Parang ayoko rin naman ipagdamot yung happiness na meron ako ngayon. So sa simpleng bagay na ganu’n kahit paano siguro nai-share ko at naipakita ko sa mga tao na, ‘Uy si bakla masaya na.’ So magbunyi kayong lahat, ganu’n,” sabi pa ng aktres.

Read more...