Siguradong yan ang nais ipagsigawan ng TV host-actress na si Tessie Tomas sa paggaling ng kanyang 92-year-old na ina mula sa COVID-19.
Patuloy na nagpapagaling ngayon ang veteran actress na si Laura Hermosa matapos tamaan ng killer virus matapos ma-discharge kamakailan mula sa isang ospital sa Metro Manila.
Itinuturing ni Tessie Tomas na isang milagro ang nangyari sa kanyang pinakamamahal na ina at alam niyang talagang lumaban sa COVID ang beteranang aktres.
“God is good. She is in stable condition now. Please continue to pray for her, for me and the rest of our family to just hold on to our faith and to take it one day at a time. Bawat araw nandito si mama is a bonus from heaven,” ang pahayag ni Tessie sa panayam ng ABS-CBN.
Aniya, patuloy pa ring mino-monitor ng kanyang mga doktor ang kanyang kidney condition para masigurong walang magiging kumplikasyon. Pero hangga’t maaari ay sa bahay na lang siya pupuntahan ng doktor para hindi na niya kailangang magtungo sa ospital.
“But she is such a fighter and she has a willingness to live. Hindi lang naman din si mom ang pinagmilagruhan.
“It is a fact that even the elderly can survive kung malakas ang kanilang resistensya and walang gaanong underlying conditions,” pahayag pa ng TV host at magaling ding komedyana.
Sa latest vlog na ipinost niya sa kanyang YouTube channel na TessTube, ipinakita ng aktres ang naging journey niya sa pag-uwi ng Pilipinas mula sa Isle of Man sa United Kingdom para lamang makita at makasama muli ang ina.
Nagsimula siya sa pagkuha ng mga kakailanganing travel at health documents para sa pagku-quarantine niya sa Manchester na sinundan ng panibagong self-isolation dito sa Manila.
Pagkatapos sumailalim sa safety protocols saka lamang siya nakapunta sa bahay ng kanyang ina sa Makati. Umuwi rin mula sa Amerika ang anak ni Tessie na si Robin para mabisita ang kanyang Lola Laura.
“Sabi ko nu’n sa mama ko sa picture, ‘Ma, antayin mo ako, nagsasagwan na ako mula Isle of Man and true enough, inantay niya ako.
“Iyak ako nang iyak kasi ike-cremate sinumang COVID victim. Eto ‘yung desiderata moment na gather your strength of spirit to shield you from any sudden misfortune,” kuwento pa ng veteran actress.
Ilang taon na ring naninirahan sa UK ang aktres kasama ang asawang si Roger Pullin at sa pamamagitan na lang ng kanyang YouTube channel siya nakapagbibigay ng updates sa mga kaganapan sa buhay niya sa ibang bansa.