Pagtatayo ng high-rise na pabahay sa mahihirap, sinisimulan na sa Tondo

tondo housing

May 770 na pamilyang mahihirap ang nakatakdang mabigyan ng sariling bahay sa Tondo, Manila.

Isinagawa ang groundbreaking ceremony noong Huwebes sa proyektong Vitas High Rise Residential Building sa Mel Lopez Blvd. sa Tondo na proyekto ni Manila Representative Manny Lopez.

“Eto na ang pabahay na ito dito mismo sa Tondo ang katuparan ng pangakong Lopez. Batid ninyo na hindi madali ang pondo mula sa pamahalaan, subalit sa ating matiyagang pagsusumamo, naisasabay natin ang proyektong pabahay sa gitna ng pandemya,” ayon kay Lopez na nanguna sa seremonya kasama ang ilang opisyal ng National Housing Authority.

Ang Vitas High Rise Residential Building ay itatayo sa 3.5 ektaryang lupa. May sukat na 9,183.56 square meters ang lupang titirikan ng tatlong 19-storey housing building na may kabuuang 770 residential units.

Sinabi ni Lopez na ang Vitas High Rise Residential Building ay isa sa magiging pamana ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino.

Dagdag pa ng Manila Representative: “Ang proyektong ito ay makakapagbigay ng trabaho sa mga batang tondo na pwedeng maging kabahagi ng construction, sa mga kababaihan na pwedeng magtinda ng pagkain sa mga manggagawa.”

“Ito ay magandang simula sa ating pagsisikap na makabangon mula sa krisis ng ekonomiya na dulot ng pandemya dito mismo sa Tondo, na simbolo ng kahirapan sa kamaynilaan. Dito tayo mismo babangon bilang isang mamamayan na may maginhawang pamumuhay. Ito ang pangarap ng inyong lingkod para sa ating mga kababata sa Tondo,” wika niya.

Ayon kay Lopez, “Habang isinasagawa ang construction ng abot-kaya at on-site housing, inaasikaso na din natin ang cash rental subsidy ng ating mga kababayan para hindi sila mahirapan.”

Read more...