Derek, Ellen inuunti-unti ang paglalantad sa relasyon, hamon ng netizens: Magpakatotoo na lang kasi

“SO, sila na nga! Instagram official na ang kanilang relasyon!”

Isa lamang iyan sa mga nabasa naming comment matapos mag-post sa Instagram sina Derek Ramsay at Ellen Adarna ng mga bagong litrato na tila nais ngang ibandera sa buong universe na “kami na.”

Sa IG account ni Derek makikita ang sweet selfie photo nila ni Ellen na magkadikit ang mukha na kuha sa isang golf course. Ang maikling caption ng hunk actor dito ay, “Thank you!!!”

Sa IG page naman ng dating sexy star at ex-girlfriend ni John Lloyd Cruz, makikita naman ang mga litrato nila ni Derek na tila nagkukulitan sa harap ng camera.

May mga kuha sila kung saan nakahawak si Ellen sa iba’t ibang bahagi ng mukha ni Derek habang tuwang-tuwa naman ang aktor sa ginagawa sa kanya ng aktres.

Iba’t iba ang reaksyon dito ng kanilang mga followers, may mga botong-boto sa relasyon ng dalawa at nagsabing bagay silang magsama at meron ding mga kumokontra na negang-nega agad hindi pa man sila umaamin.

Ilang bashers naman ang tumawag kay Derek ng “echoserong frog” dahil sa pagdedenay pa nito noon na walang malisya ang friendship nila ni Ellen.

Hinamon din nila ang ex-BF ni Andrea Torres na magpakatotoo na lang kesa itago pa ang relasyon nila ng celebrity mom. Lalabas at lalabas din naman daw ang katotohanan kahit pa anong tago ang gawin nila.

Pero in fairness, mukhang okay naman sa mga pamilya nila at malalapit na kaibigan kung totoong sila na dahil nakakasama na nga nila ang mga ito sa ilang mahahalagang okasyon sa kanilang buhay.

Kung matatandaan, nagsimulang matsismis na may namamagitan na kina Derek at Ellen nang mag-post ang kaibigan nilang si Ruffa Gutierrez ng ilang intimate photos nila sa ginanap na dinner party sa bahay mismo ng aktor.

Mula noon, nagsunud-sunod na ang pagba-bonding nila kung saan kasama pa ang kani-kanilang mga anak. Ang huli nga ay ang pagpunta nila sa Lake Caliraya sa Laguna kasama ang ilang kaibigan.

Kamakailan, mismong ang kaibigan ni Derek na si Gerry Santos ang nagsabing “in love” ang hunk actor kay Ellen.

Sa Instagram Stories video na ipinost ni Gerry, mapapanood ang rumored couple sa kanilang workout activities kung saan marami nga ang nagkomento na naniniwala silang magdyowa na nga ang dalawa.

“In love ang BFF ko @ramsayderek07 kay @maria.elena.adarna pero talo sa jumping rope,” caption nito sa kanyang IG post.

Ilang video clips pa ang ibinahagi ng kaibigan nina Derek at Ellen sa Instagram habang ginagawa ang kanilang intense exercise. Nilagyan pa niya ito ng caption na, “Perfect match!”

Bukod dito, isang litrato pa ang ipinost ni Gerry kung saan kasama niya ang dalawa at may mensaheng, “Happy for you both,” with matching heart emoji.

Read more...