Kylie gusto munang alagaan ang sarili at 2 anak; dedma lang sa chikang hiwalay na sila ni Aljur

WALA pa ring diretsahang pahayag ang mag-asawang Kylie Padilla at Aljur Abrenica tungkol sa kumalat na balitang hiwalay na sila.

Nagsimula ang usap-usapan na may pinagdaraanan ang celebrity couple nang mag-post ng sunod-sunod na cryptic post ang Kapuso actress sa kanyang Instagram account.

Malalim ang mga hugot post ni Kylie na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagsasama nila ni Aljur, idagdag pa ang ibinahagi niyang litrato sa IG Story ng kanyang kaliwang kamay na walang wedding ring at isa pang happy selfie na may caption na “Free.”

Dahil dito, maraming nagkomento na may problema ngayon ang mag-asawa na posible ngang humantong na sa paghihiwalay.

May ilan namang netizens ang nagsabi na baka raw matinding selosan ang dahilan ng kanilang pag-aaway. May chika kasi na meron umanong nadiskubre ang celebrity mom tungkol kay Aljur na ikinagalit nito.

Naguluhan naman ang mga followers ni Kylie nang bigla siyang mag-post ng picture ni Aljur sa IG kasama ang dalawa nilang anak na sina Alas Joaquin at Axl Romeo.

Ano raw na ba talaga ang gustong iparating ni Kylie sa publiko dahil parang hindi rin nito alam kung ano ba talaga ang nangyayari sa buhay nila ni Aljur? Bakit daw hindi na lang niya diretsahin kung ano ang issue?

Samantala, sa report naman ng “24 Oras” kagabi, nanghihingi raw ng panahon si Kylie na makapagpahinga muna. Nais din umano nitong pagtuunan ngayon ang pag-aalaga sa mga anak nila ni Aljur.

Balitang pansamantala munang nagbakasyon ang Kapuso star sa bahay ng amang si Robin Padilla kasama ang mga anak. Wala pa rin daw balak bumalik sa showbiz si Kylie dahil hindi pa niya kayang iwan ang dalawang anak kapag tumanggap siya ng lock-in taping.

Humingi rin umano ng sapat na panahon ang misis ni Aljur upang pagtuunan din ng pansin ang kanyang sarili.

Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ng mag-asawa hinggil sa tunay na estado ng kanilang pagsasama. At tulad ng dasal ng kanilang mga tagasuporta, sana’y maayos na kung ano ang kanilang problema at muling ipaglaban ang pagmamahal sa isa’t isa.

Read more...