Buhay pa ang EDSA

people power edsa

Si National Defense Secretary Juan Ponce Enrile and General Fidel V. Ramos kasama ang mga anti-diktadurang pwersa ay nagdiriwang sa Edsa matapos mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986. (Inquirer Photo)

Ngayon ay ang ika-35 taon ng EDSA People Power Revolution pero mayroon pa bang nakakaalala kung bakit nagkaroon ng EDSA Revolution? Buhay pa ba ang diwa at prinsipyo ng EDSA?

Matatandaan na noong February 22-25, 1986, nagkaroon ng isang bloodless EDSA People Power Revolution kung saan napatalsik ang dating pangulong Ferdinand E. Marcos. Ang EDSA Revolution (EDSA) ay masasabing isang natatangi at una sa kasaysayan dahil mapayapa itong naganap.

Nangyari ang EDSA dahil nagkaisa ang mga Pilipino, ang taong bayan, na tapusin na ang pamahalaang diktaturyang Marcos at ibalik na ang nawalang demokrasya sa ating bansa. Walang sino man ang pwedeng magsabi na sila ang nag-umpisa ng EDSA o namuno dito. Ang karangalan ito ay para sa taong bayan lamang at hindi kanino man. Ang EDSA ay ang taong bayan, wala ng iba.

Dapat din tandaan na ang EDSA ay hindi tungkol sa mga Aquino o labanan ng Aquinos at Marcoses. Hindi rin ito tungkol kina Ramos, Enrile, RAM at ilan pang personalidad na nakilahok sa EDSA. Lalo naman hindi ito tungkol sa mga elitista at mayayamang mestizo at mestizo, o sa mga intellectuals, o sa mga aktibista, o sa mga pari at madre na nakilahok sa apat na araw na revolution. Hindi rin ito konektado o tungkol sa ilang political parties o grupo ng mga indibidwal. Ito ay isang kaganapan na kusang kilos (spontaneous action) ng sambayanan at hindi plinano, at ang tanging layunin ay magkaroon ng mapayapang pagbabago.

Walang duda na naibalik ng EDSA ang demokrasya sa ating bansa. Ito yata ang pinakamalaking ambag o bagay na nagawa ng EDSA. Naibalik nito ang ilan sa pinakamahalagang sangkop at parte ng isang malaya at demokratikong bansa, katulad ng freedom of the press at speech. Pero sa ating pananaw, hindi nabago o naresolba ng EDSA, dala na rin ng kapabayaan at kontra prinsipyo ng mga namumuno, ang mga problema at isyu na hinarap ng ating mga kababayan at bansa na naging sanhi mismo ng EDSA.

Ang suliraning panlipunan (social problems) gaya ng kahirapan ng ating mga kababayan ay isa sa mga naging sanhi kung bakit nagkaroon ng EDSA. Mula sa pamahalaan ng dating pangulong Cory Aquino hanggang sa kasalukuyang pamahalaang Duterte, bigo nitong nalutas ang problema sa kahirapan at itaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan. Ang mga nakakaraming maliliit na manggagawa sa ating lipunan ay patuloy pa rin nagbabanat ng buto araw-araw, para makabili ng kanilang makakain upang maging malakas at makapagtrabaho muli kinabukasan, upang makabili uli ng makakain na magbibigay ulit sa kanila ng lakas para makapagtrabaho muli. Ganito ang ikot ng kanilang buhay, isang kahig isang tuka.

Nawala, bumalik o nabago lang ang mga pangalan ng mga crony pero hindi maitatanggi na ang cronyism” o pagkakaroon ng kinikilingan o pinapanigan na kaibigan na naging malaking isyu sa panahon ni dating pangulong Marcos ay nagpatuloy pa rin matapos ang EDSA at nagtutuloy pa din hanggang ngayon sa kasalukuyang pamahalan. Ganoon din ang corruption na naging isa sa sentro ng isyu sa panahon ni Marcos. Wala rin nagbago at nagtuloy din ito hanggang sa kasalukuyang pamahalaan. Walang corruption kapag kakilala ka. At lalong walang corruption kapag kakilala at milyonaryo ka. Tila ito ang batayan ng corruption ng ating kasalukuyang pamahalaan.

Ang political dynasty na naging isyu rin sa EDSA ay mas lalong lumala. Nakabalik sa pwesto ang mga politikong may prinsipyong kontra sa diwa ng EDSA. Ang nakasaad sa constitution tungkol sa anti-political dynasty ay hindi nangyari o mangyayari sa mga susunod na panahon dahil hindi ito isasakatuparan ng ating Kongreso. Karamihan sa miyembro ng Kongreso, pati na ang mga dati natin pangulo at kasalukuyang pangulo, ay nabibilang sa poltical dynasty.

Ang mga kasalukuyan poltical dynasties na may yaman at kontrol sa politika sa kani-kanilang sinasakupan ay ang mga bagong “oligarchs”. Dahil sa kanilang yaman at kapangyarihang politika, naiimpluwensyahan at nakokontrol ng mga ito ang patakaran sa pangangalakal at sa pangkalahatang ekonomiya para isulong ang kanilang interest.

Ang isyung human rights ay sentro rin ng dahilan ng EDSA at ito ay nanatiling suliranin sa lahat ng dumaang pamahalaan. Pero sa lahat ng mga pamahalaan matapos ang EDSA, ang kasalukuyang pamahalaan ang may pinakamalaking bilang ng sumbong ng human rights violations dahil sa pinaiiral nitong war on drugs at red-tagging sa ngalan ng national security.

Bagamat hindi nabago ng EDSA ang mga suliranin at isyu na naging sanhi nito, naipakita naman natin sa buong mundo na tayong mga Pilipino ay maaring magkaisa, tumindig at ipaglalaban ang ating karapatan at kalayaan sa mga nagtatangkang sikilin ito.

Naniniwala ako na karamihan sa atin ay hindi pa nakakalimutan ang diwa at prinsipyo ng EDSA bagamat marami sa atin ay nadismaya sa naging resulta nito. Naniniwala rin ako na buhay pa ang diwa at prinsipyo ng EDSA at ang taong bayan ay handa pa rin tumindig upang ipaglaban ang kanilang kalayaan at karapatan.

Read more...