HINDI diretsahang sinagot ni Janno Gibbs ang isyu tungkol sa kanila ng komedyanang si Kitkat, pero tinawag niyang “tsismis” ang akusasyon ng isang netizen na nambastos umano siya ng babae.
Mainit pa ring pinag-uusapan ngayon ang balitang ilang beses daw minura ni Janno si Kitkat sa taping ng noontime show nilang “Happy Time” na napapanood sa Net 25. Kasama rin nila sa show bilang co-host si Anjo Yllana pero wala raw ang aktor nang mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat, napikon umano si Janno sa segment ng show na “Kantanungan,” dahil tila kinakampihan daw ni Kitkat ang kalaban nila sa laro na si Marco Sison. Napaiyak na lang daw ang TV host-comedienne sa nangyari habang nag-walkout naman umano si Janno.
Ngayong araw, nag-post ang singer-comedian sa kanyang Instagram account ng mga screenshot ng naging komento ng bashers laban sa kanya. Tinawag siyang unprofessional, palaging late, wala pang napatutunayan at ugaling basura.
Ayon sa isang IG user, “You’re becoming too professional on being unprofessional.
“The recent incident seals the deal on why networks you were once with couldn’t have any less regret on taking you back.
“Ang ere mo! Ano ba napatunayan mon a?! Oh wait, meron nga pala.. never punctual, disrespectful, & a plain misogynist.
“That’s w/ Manilyn & Ober Da Bakod w/ Anjo lang marka mo uy! Mind you ‘with’ yan ha, never straight up you & yourself alone! Epal!!!” ang kabuuang pang-okray ng basher kay Janno.
Ang tinutukoy nito sa kanyang comment ay si Manilyn Reynes na naging ka-loveteam ni Janno noon habang ang “Ober Da Bakod” naman ay ang Kapuso sitcom ng GMA na pinagbidahan nina Janno at Anjo ilang taon na ang nakararaan.
Kasunod nito, ipinost naman ng komedyante ang screenshot ng profile ng nasabing netizen na walang post, zero followers at zero following. Ibig sabihin, troll o dummy account ang ginamit ng hater para banatan si Janno.
Samantala, isa pang comment ng netizen ang ipinost ng OPM singer-songwriter kung saan tinawag naman siyang ugaling basura at hindi marunong rumespeto ng babae.
“Ugaling basura, ugaling squatter. Didn’t yout mom taught you how to respect women? Mahiya ka pareho pa namang mga babae ang anak mo,” sabi nito.
Dito, sumagot na si Janno at itinama pa ang grammar ng IG user, “1.) Its Didn’t your mom ‘Teach’ not taught 2.) Mahiya ka naniniwala ka sa tsismis.”
Bukas ang BANDERA sa magiging official statement ni Janno hinggil sa issue pati na rin sa paliwanag ni Kitkat na balitang kumonsulta na raw ng abogado para pag-aralan ang naganap sa taping ng “Happy Time.”