PURING-PURI ni Direk Daryll Yap ang isa sa mga artista niya sa pelikulang ‘Tililing” na si Candy Pangilinan dahil sulit daw ang ibinayad sa aktres ng Viva Films.
Natanong kasi kung paano pinaghandaan ng cast members ang mga ginampanan nilang karakter sa pelikula na may kinalaman sa mental health.
Sabi ni direk Daryll, “Alam n’yo kung paano mag-prepare si ate Candy, sinasaulo niya po kahit hindi niya script, kaya sulit na sulit ang bayad n’yo diyan kung tutuusin. Kunin n’yo ‘to kahit hindi niya script sinasaulo niya hindi ko na kailangan ng scriptcon (continuity) kasi siya na po magsasabi kung ano ang susunod na mangyayari.”
Tawa naman nang tawa si Candy at ang katwiran niya, “Hindi, kailangan ko kasi malaman kung saan papunta (kuwento) para hindi masayang ang oras at ang pagti-taping. Kasi this is pre-pandemic shoot pero naka-lock na kami kasi malayo po ito.
“May working hours kaming sinusunod po so, kasama sa pagpe-prepare na isaulo mo lahat ang mangyayari sa eksena mo para mabilis ang takbo ng trabaho.
“And kasama rin po sa preparation na dapat kaibigan ko ang lahat ng nasa set, makibagay po para masaya ang working environment para lahat kayo magtutulungan. Kailangan maging magkaibigan kayong lahat,” katwiran ng aktres.
Anyway, kinausap daw ni Candy nang masinsinan ang direktor nila sa “Tililing” kung ano ba ang gusto nitong mangyari sa karakter niya.
“Bago po ako nag-prepare sa role ko ay kinausap ko muna si Direk Da (Daryll Yap) kung ano ang gusto niyang mangyari. I think that’s the best preparation na malaman natin kung saan ba papunta ito (kuwento).
“Kasi ‘yung mismong title na Tililing alam kong maraming magre-react, maraming magagalit kung ano ang gusto nating iparating. Meron ba itong magandang mensahe na gustong iparating and in-assure naman niya ako, ‘oo ito ang gusto nating iparating, tungkol sa pag-iintindi, tungkol sa pagmamahal.’
“So, paano ako nag-prepare? I think ‘yung buhay ko naka-prepare na para mag-alaga di ba? I have a child who is differently abled, so, I think baka iyon po, pero other than that iba pala kapag nasa facility ‘yung mismong makita mo lahat nan aka-ano (suot ng putting damit) may iba ring pakiramdam, so ganu’n din po, you have getting to the role, make a research,” paliwanag pa ni Candy.
Napapanood namin ang video ni Candy kasama ang anak na si Quentin, at aliw na aliw kami sa diskusyon nilang mag-ina dahil ang kulit ni bagets kapag may gusto siyang gawin pero kapag ramdam niyang galit na ang ina ay sumusunod na ito.
Malaking tulong ang vlog na ito nina Candy at Quentin para sa magulang na may mga anak na kapareho ng kaso nila dahil puwede silang makakuha rito ng tips para sa tamang pag-aalaga.
Anyway, mapapanood na ang “Tililing” sa Marso 5 sa mga sinehan at Vivamax mula sa Viva Films na idinirek ni Daryll Yap kasama rin sa cast sina Gina Pareno, Yumi Lacsamana, Chad Kinis, Donnalyn Bartolome at Baron Geisler.
* * *
Makakahabol na sa panonood ng pinakahuling episodes ng ABS-CBN entertainment shows ang viewers saan mang bahagi ng bansa dahil available na ngayon ang mga ito sa loob ng pitong araw sa Kapamilya Online Live sa parehong YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
Masusubaybayan sa Kapamilya Online Live ang latest episodes ng mga teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Walang Hanggang Paalam,” at “Bagong Umaga,” pati na ng “It’s Showtime,” “ASAP Natin ‘To,” “Magandang Buhay,” “Paano Kita Mapasasalamatan,” “Iba ‘Yan,” at “MMK.”
Makakakuha rin ng saya at mahahalagang aral sa weekly talk shows na “Real Talk: The Heart of the Matter” nina Dyan Castillejo, Mikee Cojuangco-Jaworski, at pastor Monique Lopez-Ong, “Lucky’ng Tulong” ni Luis Manzano, at “Showbiz Pa More” ni DJ Jhai Ho sa YouTube.
Bukod sa bago at kasalukuyang umeereng mga palabas, makakapanood din sa Kapamilya Online Live ng mga minahal na serye gaya ng “Pangako Sa ‘Yo,” “Be Careful With My Heart,” “The Good Son,” “Asintado,” “Ipaglaban Mo,” “Pasion De Amor,” “Honesto,” “Since I Found You,” at game show na “Pilipinas, GKNB?”
Sa YouTube, tuloy-tuloy ang panonood simula umaga hanggang gabi habang sa Facebook naman ay may regular na timeslots ang lahat ng programa at may break sa pagitan ng timeblocks.