Hugot ni Gardo: Feeling ko pag ganyan dinadagukan lang nang husto ang publiko

NANAWAGAN ang aktor at TikToker na si Gardo Versoza sa pamahalaan na bigyan ng kaukulang assistance ang entertainment industry pati na ang moviegoers kapag nagbukas na uli ang mga sinehan sa buong bansa.

Aniya, sana’y sagutin na ng gobyerno ang mga kakailanganin ng manonood sa pagsunod sa ipatutupad na protocols sa mga sinehan para hindi na ito maging pabigat sa taongbayan.

Hindi natuloy ang pagbubukas ng mga sinehan noong Feb. 15 dahil wala pang malinaw at solidong guidelines para rito. Itinakda uli ang re-opening ng mga cinema ngayong darating na Marso.

“If ever na buksan, sana yung mga kakailanganin kung sakali ay sagutin na ng gobyerno yon. Kasi kumbaga, yung sine isang form ng pagsasaya yan eh, kahit papaano mapupukaw yung lungkot ng tao,” ang punto ni Gardo nang makausap siya ng ilang miyembro ng entertainment media s sa presscon ng comedy film na “Ayuda Babes.”

Aniya pa, “Ngayon kung dadagdagan mo na naman ng gagastusin, gastos na naman sa mask, gastos na naman sa shield at malamang dyan may iba pang pagkakagastusan, feeling ko kapag ganyan dinadagukan mo lang nang husto ang taong bayan.”

Pagpapatuloy pa ng aktor, “Kasi hindi naman biro yung halos isang taon tayong nasa pandemya pagkatapos ayan na lang yung isang makakapagpasaya pagkatapos magdadagdag ka pa ng ano. Dapat nga tumulong sila doon sa mga ikabababa ng singil kung sakali,” lahad pa niya.

“Para kasing niloloko na ang mga tao. Magsasabi nga ganito, para gawin tapos babawiin. Ano ba talaga? Kaya ako mas naniniwala to really have a healthy lifestyle.

“Pasintabi sa mga naninigarilyo. Hindi ba bakit nandiyan pa rin? Kaya pagdating sa vaccine, depende pa rin ‘yan sa mga mangyayari. Ako kasi mayroon akong Bike Club. At hangga’t maaari eh, healthy eating din,” chika pa ni Gardo.

Speaking of “Ayuda Babes”, muling ipamamalas dito ng aktor ang galing niya sa pagpapatawa bilang beking barangay chairman.

Sey ni Gardo, enjoy siya sa ganitong klase ng role at sa company ng mga bading na kasama niya sa nasabing pandemic comedy film na idinirek ni Joven Tan.

“Feeling ko, siguro yung past life ko beki ako kaya masyado kong nai-enjoy yung company nila. Kumbaga, isa nga don sa mga nag-viral yung Tiktok namin nina Negi. Masayang-masaya ako sa piling ng mga binibining marikit.

“Gustung-gusto kong gumaganap na beki kasi feeling ko parang yan yung pinaka-colorful na character. Parang hindi mo pinipiling mag-drama pero may time na may drama kang makikita, masaya siya, may aksyon din,” lahad pa ng aktor.

Ka-join din sa “Ayuda Babes” sina Joey Paras, Iyah Mina, Juliana Parizcova Segovia, Negi, Brenda Mage, Petite Brockovich, Berni Batin at Ate Gay at mapapanood na sa iWantTFC at KTX.PH simula sa March 5.

Read more...