Basher basag kay Neri: Ano naman ang nakakahiya kung nagtitinda ka sa palengke?

PINATULAN ng actress-businesswoman na si Neri Naig ang isang netizen na nangnega sa Instagram post niya tungkol sa ginagawa niyang pagtitinda.

May halong pang-ookray kasi ang comment ng nasabing IG user na hindi naman daw kasi siya sa wet market o palengke nagtitinda kaya ang lakas ng loob niyang magsabi na hindi niya ito ikinahihiya.

Nagbahagi kasi ang misis ni Chito Miranda sa publiko ng kanyang pangarap na maging member ng Tagaytay Highlands at magkaroon doon ng sariling bahay.

Sabi ng asawa ng Parokya ni Edgar vocalist sa kanyang post, “Balang araw magiging member din kami diyan at di na kami pahintuin ng mga guards at tanungin kung anong pakay namin.

“More benta pa ng tuyo, beddings, damit, pampaganda, pajamas, suka, accesories, at kung ano pa ang maisipang ibenta. Hindi ko ikahihiya ‘yan kung nakakapag invest naman ng properties. Mas magandang maging WAIS sa buhay kaysa maging maarte at ikinahihiya ang magbenta benta! At dapat focus lang sa goal.”

Komento naman ng nambasag sa hugot ng aktres, “Sus! (Paano) mo ikahihiya ‘di ka naman sa wet market nagtitinda, may tindera’t tindero ka na, celebrity pa minsan ang client mo. Kumbaga big time tindero. Kahit ako hindi ako mahihiya. ”

Hindi ito pinalampas ni Neri at sinabihan ang basher na nakaranas na rin siyanf magtinda noon sa Mines View Park sa Baguio City.

“FYI, nagtinda ako dati sa Mines View at naglako ng mga ulam. At ano naman ang nakakahiya kung nagtitinda ka sa palengke?

“Mas mayayaman pa ang mga tindera sa palengke, ang dami nilang investments, may mga insurance, at malalaki ang mga bahay at lupain nila. Sus! Anong dapat ikahiya dun, di ba?” ang pahayag pa ng celebrity businesswoman.

Nangako pa siya na sa mga susunod niyang post ibabandera naman niya ang success stories ng  mga kakilala niyang tindero at tindero na kapuri-puri ang kasipagan.

Saad pa ni Neri, “Nasa talambuhay ko po ‘yung naglalako ako ng ulam at nagtitinda sa Mines View bago ako nag artista. Ang mga nagtitinda po sa palengke ng Alfonso, karamihan po, mansion ang bahay.

“Hayaan n’yo, ipagmamalaki ko sila sa mga posts ko soon. Nakapalibot po kase ako sa community na puro masisipag.

“Kaya siguro po kahit babad sila sa pagkakaliskis ng mga isda, wala silang reklamo, aba’y dun sila umaasenso. Kaysa naman ang iba, tamad na nga, di pa masaya sa success ng ibang tao,” patuloy pang pahayag ng matagumpay na negosyante.

Read more...