NAGLABAS ng saloobin ang Kapuso comedy genius na si Michael V tungkol sa pamba-bash ng ilang Pinoy sa gagawing live-action series ng classic Japanese anime na “Voltes V: Legacy”.
Mapapanood na ito very soon sa GMA 7 at pagbibidahan nina Miguel Tanfelix (Steve Armstrong), Ysabel Ortega (Jamie Robinson), Radson Flores (Mark Gordon), Matt Lozano (Big Bert) at Raphael Landicho (Little Jon).
Siguradong nakarating na kay Bitoy ang ilang komento ng mga nangnenega sa gagawing version ng Kapuso network sa “Voltes V” kaya naman agad siyang naglabas ng reaksyon hinggil dito.
Sa kanyang latest Bitoy Story vlog na may titulong “DX VOLTES V (Unboxing & Review),” ibinahagi ng award-winning comedian at content creator ang saloobin niya tungkol sa nasabing proyekto.
“Doon sa mga nakapanood ng teaser ng ‘Voltes V: Legacy,’ huwag na kayo magpanggap na hindi kayo na-impress at hindi kayo na-excite.
“’Yung iba kasi naggagaling-galingan, kung anu-ano ang sinasabi, ‘dapat ganito, dapat ganu’n.’ Naka, huwag ako!” ang simulang pahayag ng komedyante.
Naniniwala raw siya na mabibigyan ng hustisya ng direktor ng “Voltes V: Legacy” na si Mark Reyes ang bagong version nito dahil alam niyang isa ring “certified geek” ang Kapuso director.
“Well, hindi naman ako magpapanggap na hindi mataas ang expectations ko, pero kampante naman ako, kasi siyempre kilala ko naman si Direk Mark Reyes, geek talaga ‘yan, e, tsaka matagal na niyang pangarap ‘yan.
“I’m sure grabe ang pressure sa buong production. Kaya ang advice ko lang for all the people involved is really enjoy this opportunity,” pahayag pa ni Bitoy.
Sa isang bahagi ng video binalikan din ni Bitoy ang isang episide ng comedy show nilang “Pepito Manaloto” kung saan nabigyan siya ng chance na maisuot ang costume ni Steve Armstrong.
“Sabi ko nung nag-suot ako ng costume ni Steve Armstrong sa ‘Pepito Manaloto,’ feel na feel ko, e.
“It’s the closest I could get to the original series and now silang mga involved sa project, they are a lot closer to this legacy, so to speak ah. Dapat malikot talaga ‘yung utak mo dito sa project na ‘to. Dapat bumalik ka sa pagkabata mo,” pagbabalik-tanaw pa ng komedyante.
Naniniwala rin si Bitoy na mas marami pa ring supporters ang “Voltes V: Legacy” ng GMA kesa sa bashers at haters.
“Given na ‘yung kakaririn, e, pero pag hindi ka nag-enjoy, du’n magsisimula ‘yung problema and sana nga, pagsama-samahin talaga ng GMA ‘yung mga totoong fans ni ‘Voltes V’ to make sure that this project succeeds.
“Maraming bashers pero feeling ko mas maraming nagda-dasal na maging successful itong project na ‘to.
“Honestly nu’ng nakita ko ‘yung cast photos in their outfits, kahit alam ko na hindi pa ‘yun ‘yung actual outfits nila and let’s say na kahit hindi ko kakilala kunyari ‘yung mga artista, wala ako pakialam panonoorin ko pa rin siya, kasi fan talaga ako ng ‘Voltes V,’” lahad pa ng Kapuso comedian.
Kamakailan, matapos ibandera ang limang bibida sa “Voltes V”, ipinakilala na rin ang iba pang Kapuso stars na makakasama sa bonggang project kabilang na riyan sina Martin del Rosario, Liezel Lopez, Epy Quizon, Carlo Gonzalez, Neil Ryan Sese at Gabby Eigenmann.