BUMUNTONG-HININGA muna ang aming source bago nagkuwento tungkol sa baguhang aktor na ayaw na raw makatrabaho ng sikat na producer matapos pasakitin ang ulo ng mga tao niya.
Ang sikat na producer ay super bait sa mga tao niya kaya naman in return ay talagang pinagbubuti nila ang kanilang mga trabaho kahit mahirap dahil sa new normal shoot na ipinatutupad dulot pa rin ng pandemya.
Oo nga, in fairness dekada na ang inaabot ng mga taong nagtatrabaho sa production company ng sikat na producer, ganu’n siya kagaling mag-alaga sa kanyang staff.
Anyway, nakarating kay sikat na producer ang pagka-diva ng baguhang aktor na ito pero siyempre hindi naman siya kaagad naniwala. Kaya nagpaimbestiga siya at nagkaalaman na nga.
Ang mali kasi nitong si baguhang aktor ay marami siyang nakasamang beteranang artista sa lock-in shooting na kahit na suporta lang sila sa mga bida ay sumikat naman talaga noong kapanahunan nila.
Si baguhang aktor ay waley pa namang napatutunayan kaya nakakagulat na nagpapaka-diva na siya.
Pero in fairness sa mga beteranang artistang kasama sa pelikula ay hindi na lang siya pinatulan. ‘Yun nga lang mukhang sila ang napagtanungan sa ginawang imbestigasyon.
Anyway, ang isyu pala sa baguhang aktor, kapag tinawag mo na siya o pinalabas mo na ng kuwarto sa hotel ay kailangan sasalang na siya, ayaw niyang naghihintay siya sa standby area kung saan naroon din ang ibang artista na super safe naman dahil dumaan sila lahat sa swab test.
Sabi ng aming source, “Ganu’n naman talaga di ba, pupunta ka sa location tapos wait ka kapag may nakasalang tapos pag turn mo na, saka ka tatawagin. Ayaw ng lolo mo, gusto niya pag isasalang na siya, saka siya dadating.
“Ano ‘yun walang rehearsal, walang bilin si direk? Alam na niya ang gagawin niya? Okay sana kung magaling siyang aktor, magaling siyang umarte, e, wala naman siyang facial expression, nabubulol pa,” sabi ng aming kausap.
At kaya napasok sa pelikula ang baguhang aktor na nagpapaka-diva ay dahil gusto naman ng sikat na producer ng fresh at siyempre mura pa ang talent fee dahil hindi pa naman ito mapapalabas sa mga sinehan kundi sa online platform palang na mura pa ang bayad.
“Alam mo naman si boss, gusto ng bagong mukha at siyempre mura, nagtitipid kasi pandemic saka hindi naman ito maipapalabas pa sa sinehan, sa online platform muna saka alagain, susme ano ‘yun baby? Kawawa nga PA (personal assistant) niya, pagod na pagod,” pambubuking pa ng aming source.
Partida, unang pelikula palang ito ng baguhang aktor, e, paano na kung sumikat na siya nang husto baka maging halimaw na ang ugali?
May next project na ba ulit siya sa kumpanya ng sikat na producer? “Siguro after 10 years. Ha-hahaha!” natawang sagot ng aming source.