Neri may bagong target sa buhay: Mas magandang maging wais kesa umarte at ikahiya ang pagbebenta

MAY bago na namang “target” sa buhay ang actress-businesswoman na si Neri Naig-Miranda kaya mas doble pa ang ginagawa niyang pagsisikap ngayong 2021.

Isa si Neri sa mga local celebrities na maituturing ngayong idol sa negosyo dahil sa tagumpay na tinatamasa ng kanyang mga business, sa tulong na rin siyempre ng asawang si Chito Miranda at ng kanilang staff.

Nang bumisita sila kamakailan ni Chito sa Tagaytay Highlands, isang mountain resort at exclusive residential development sa Cavite, may ipinangako si Neri sa kanyang sarili para pa rin sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

“Balang araw magiging member din kami dyan at di na kami pahintuin ng mga guards at tanungin kung anong pakay namin,” ang simulang bahagi ng caption ni Neri sa Instagram photo nila ni Chito.

Ang nasabing litrato ay kuha nga sa Tagaytay Highlands at ang tinutukoy niya ay ang pagtupad sa kanyang pangarap na magkaroon sila ng bahay sa nasabing development area.

“More benta pa ng tuyo, beddings, damit, pampaganda, pajamas, suka, accesories, at kung ano pa ang maisipang ibenta,” pahayag pa ng aktres na kilalang-kilala ngayon bilang matagumpay na negosyante.

Meron siyang pinatatakbong cafe-resto at guest house at nagbebenta rin ng iba’t ibang food items online.

“Hindi ko ikahihiya yan kung nakakapag invest naman ng properties. Mas magandang maging WAIS sa buhay kaysa maging maarte at ikinahihiya ang magbenta benta! At dapat focus lang sa goal,” sabi pa ng misis ng Parokya ni Edgar frontman na si Chito.

Muli, hinikayat ni Neri ang kanyang mga social media followers na simulan na rin ang paglilista ng sariling goals sa buhay at i-claim na nang bonggang-bongga ang lahat ng mga pangarap ngayong 2021.

“Naisulat n’yo na ang goal nyo nung January? Natupad naman? Nagawa mo naman? Ok lang yan, umpisahan na lang ngayong February, wala namang karera eh, ang mahalaga ay inuumpisahan at ginagawa.

“Magtiwala ka sa sarili na kaya mo at kakayanin mo, ok? Hinawakan ko na ang mga braso mo ng mahigpit virtually para makinig ka!

“Kanya kanya man tayo ng goals sa buhay, ang mahalaga inuumpisahan natin, ginagawa, at tinatapos. Tiwala lang,” ang pahayag pa ni Neri Naig.

Read more...