E, kasi nga, enjoy na enjoy din siya kapag gumaganap siyang bading sa mga teleserye at pelikula. Talagang paborito siyang kunin ngayon mga producer kapag kailangan ng tunay na lalaki na effective magbakla-baklaan.
Sa bagong pelikula ni Gardo, ang pandemic comedy film na “Ayuda Babes” mula sa Saranggola Media Productions, bading na naman ang kanyang role — isang Kapitana ng barangay na dahil nga sa COVID-19 pandemic ay hirap na hirap makitungo sa kanyang nasasakupan na may sari-sariling hugot sa buhay.
Sa face-to-face presscon ng pelikula kamakailan, sinabi ng aktor na gamay na gamay na niya ang pagganap ng beki, pero siniguro niya na ibang-ibang baklang Gardo naman ang mapapanood ng madlang pipol sa “Ayuda Babes.”
Kuwento pa niya, ibang klaseng experience rin ang naranasan niya sa shooting ng pelikula lalo pa’t puro beki ang kasama niya rito. As in parang hindi raw talaga sila nagtatrabaho dahil tawanan lang sila nang tawanan.
In fairness, talagang nagawang pagsama-samahin ng direktor ng pelikula na si Joven Tan ang mga pambatong komedyante ngayon sa bansa — nandiyan sina Ate Gay, Negi, Petite Brokovich, Juliana Porizkova Segovia, Brenda Mage, Bernie Batin at Iyah Mina. Kasama rin nila ang mga baguhang sina Christie Fider at “It’s Showtime” Bidaman finalist na si Dan Delgado.
Sa presscon pa nga lang ay tawa na kami nang tawa sa mga paandar at batuhan nila ng punchlines kaya siguradong riot talaga ang magiging resulta ng kanilang movie.
Sabi nga ni Direk Joven Tan, bukod sa entertainment value at pagbibigay saya, ginawa niya ang pelikula para ipakita ang katatagan ng mga Pinoy sa pagharap sa krisis.
“Isang taon na tayong may pandemya dahil sa COVID-19 pero nagagawa pa rin nating ngumiti. We take things seriously but we still manage to enjoy our lives, our family, and this is what the movie is all about,” sey ni Direk.
Samantala, naikuwento rin ni Gardo na ang asawa niyang si Ivy ang talagang may idea na mag-TikTok siya na talaga namang pumatok at bumenta sa mga netizens.
Aniya, wala raw namang kita sa TikTok, “Gusto ko lang mapasaya ang misis ko. Kaya noong sabi niya na subukan namin, ginawa ko naman. Tapos, inilabas na niya ‘yung mga pang-exercise na outfit.
“At siya rin ang nakaisip na mas maganda kung naka-high heels ako. Size 12. Siya bumibili. Eh, awa ng Diyos sa taas ng mga ginagamit ko, hindi pa naman ako natatapilok. Nagre-rehearse kami,
for about an hour lang.
“Kaya ang daming natuwa noong ma-invite ko ang KathNiel na samahan ako. Wala naman pa kaming ginagawa sa set that time kaya I asked them kung pwede silang maki-TikTok. Napakabait naman niyong magdyowa. Ayun, ang daming nagkagusto,” kuwento pa ni Gardo na unang nakilala sa pagganap na ikalawang Machete sa pelikula.
Tungkol naman sa planong pagbubukas uli ng mga sinehan kahit meron pang pandemya, may alinlangan pa rin daw ang aktor. Mas maiging pag-aralan munang mabuti ng mga kinauukulan ang bawat anggulo bago magdesisyon lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng killer virus.
“Para kasing niloloko na ang mga tao. Magsasabi nga ganito, para gawin tapos babawiin. Ano ba talaga? Kaya ako mas naniniwala to really have a healthy lifestyle.
“Pasintabi sa mga naninigarilyo. Hindi ba bakit nandiyan pa rin? Kaya pagdating sa vaccine, depende pa rin ‘yan sa mga mangyayari. Ako kasi mayroon akong Bike Club. At hangga’t maaari eh, healthy eating din.
“One thing nga lang na nagawa nitong pandemya eh, ‘yung magkaroon ng more time with your loved ones. Kaya eto, kasama ko si Little Machete (anak niya) kumpleto sa kanyang face mask and shield,” paalala pa niya.
Anyway, mapapanood na ang “Ayuda Babes” sa iWantTFC at KTX.PH simula sa March 5 mula sa Saranggola Media at sa direksyon ni Joven Tan.