Vice na-in love kay Ion dahil sa magic black suit: Nabihag du’n si Meme, makapangyarihan yun!

“ALAM n’yo ba kung paano ko nabihag si Meme, si betla?” ang tanong ng hunk model-actor na si Ion Perez na ang tinutukoy ay ang dyowa niyang si Vice Ganda.

Ibinuking ng binata sa madlang pipol kung ano raw ang isa sa mga dahilan kung bakit na-in love at mahulog sa kanya ang Phenomenal Box-Office Star.

Sa isa niyang vlog sa YouTube sinabi ni Ion na ang kanyang magic black suit ang nagpatibok sa puso ni Vice hanggang sa ma-in love na nga ito sa kanya nang bonggang-bongga.

Sa nasabing video, makikita ang boyfriend ni Vice na nag-aayos at nag-iimpake ng kanyang mga gamit at damit na gagamitin niya para sa lock-in shooting ng bago niyang pelikula.

Ang tinutukoy niya ay ang sex-comedy film na “Kaka” kung saan makakatambal niya ang baguhang sexy star na si Sunshine Guimary.

“Kailangan ko nang mag-impake. Kasi alam niyo naman yung mangyayari next week.

“Magla-lock-in taping tayo, shooting. Ayun dapat, kailangan nating i-prepare ngayon yung mga dadalhin natin, mga gagamitin,” kuwento ni Ion.

Patuloy pa niyang chika sa kanyang mga fans at YouTube subscribers, “Tamang-tama, maglalabasan ang mga pangmayamang outfit ni Ion.”

Aniya, talagang all-time favorite OOTD niya ang denim jacket, “Sa mga damit ko, ito yung mga paborito ko, ma-jacket din akong tao dati.

“Mga denim na jacket, ‘yon yung mga gusto kong isinusuot. Kasi yung denim kasi, napakasimple lang tingnan

“Nakaputi ka lang, naka-black ka lang na inner, so parang kahit ang baho mo, parang ang bango mo sa paningin ng mga tao,” sey pa ng aktor.

Nagbi-video si Ion mula sa mala-shopping mall na walk-in closet ni Vice at dito nga niya inisa-isa ang  mga sosyaling damit at pantalon na dadalhin niya sa shooting.

“Ito yung mga kailangan, requirements du’n sa karakter ni Libby,” na ang tinutukoy ay ang karakter niya sa “Kaka.”

“Ako’y isang mayaman, anak ng may-ari ng isang kumpanya. Tamang-tama yung mga suit ko nu’ng ano, ‘Kuya Escort’ (sa Miss Q&A segment ng It’s Showtime) ako, magagamit ko ulit, di ba? Sulit na sulit. Sulit,” aniya pa.

Pagpapatuloy pa ni Ion, “Du’n ko nabihag si Meme, sa black suit. May ano yun, may agimat. Alam niyo ba kung paano ko nabihag si Meme, si betla?

“Magsuot lang kayo ng black suit, black bowtie, orange, saka pink. Makapangyarihan yun,” ang pambubuking pa ng binata sa pagsisimula ng relasyon nila ni Vice na halos three years nang magkarelasyon ngayon.

Samantala, nag-share rin si Ion ng ilang detalye kung paano niya napapanatili ang kanyang hunky body. Bukod sa regular workout, talagang binabantayan din niya ang kanyang food intake.

Binibilang talaga niya ang calories sa mga kinakain niya, “Kailangan maka-1,000 calories lang ako a day tapos workout, kaya name-maintain ko rin yung abs ko.”

Read more...