Mahigit 800 tour guides sa Cebu tumanggap ng ayuda

May 830 na mga nagtatrabaho sa tourism sector sa Cebu na apektado ng pandemya ang nakatanggap ng iba’t ibang ayuda mula kay Senator Bong Go.

Sa Badian, Cebu tumanggap ng tulong mula sa tanggapan ni Go ang mga nawalan ng trabaho na karamihan ay tour guides na nawalan ng mapagkakakitaan dahil maraming pasyalan ang sarado pa din bunsod ng Covid-19.

“Ginagawa ng gobyerno ang lahat para maiahon ang ating mga kababayan mula sa hirap na ating dinaranas. Magtiwala po tayo dahil kapakanan ninyo ang inuuna namin,” ayon kay Go.

Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa municipal gym kung saan tumanggap ng pagkain, food packs, vitamins, masks, at face shields ang mga manggagawa.

May mga benepisyaryo ding tumanggap ng bagong bisikleta na maari nilang magamit sa pagpasok sa trabaho habang ang iba ay nabigyan ng sapatos.

May mga residente naman na nakatanggap ng tablets para sa kanilang mga anak na magagamit sa blended learning.

Kasama din sa isinagawang relief efforts ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para magbigay ng tulong sa mga pamilya.

Ang mga kinatawan mula sa DSWD ay namahagi ng financial assistance sa mga benepisyaryo.

Samantala, ipinaalala din ng senador sa mga residente ang benepisyo na maari nilang makuha sa Malasakit Centers kung sila ay mangangailangan ng medical assistance.

Sa Cebu, mayroong Malasakit Centers sa Eversley Childs Sanitarium & General Hospital sa Mandaue City; Saint Anthony Mother ang Child Hospital at Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, Talisay City District Hospital, at Lapu-Lapu City District Hospital.

“Huwag po kayong mag-aalala dahil pag mayroon ng safe na vaccine, isa sa mga uunahin namin ni Pangulo [Rodrigo] Duterte ay ang mga mahihirap para ligtas kayong makapagtrabaho para sa inyong mga pamilya,” pagtitiyak ni Go.

Habang hinihintay ang bakuna na sesertipikahang ligtas at epektibo ng Food and Drug Administration, hinimok ni Go, na siya ring chairman ng Senate committee on health, ang publiko na palagiang sumunod sa health and safety protocols.

Sa nasabing aktibidad, pinasalamatan din ni Go ang mga lokal na opisyal sa lugar sa pamumuno ni Mayor Carmencita Lumain.

“Huwag kayong magpasalamat sa amin ni Pangulo Duterte dahil trabaho namin ito. Kami po ang dapat magpasalamat dahil binigyan n’yo kami ng pagkakataon na magserbisyo sa inyong lahat. Asahan ninyo na gagawin namin ang lahat sa abot ng aming makakaya para sa Pilipino,” ayon pa sa senador.

Noong Pebrero 10, ang team ng senador ay nauna nang namahagi din ng tulong sa 745 na pedicab drivers at mga biktima ng pagbaha sa bayan naman ng Tuburan.

Read more...