HINDI rin aprubado sa Commission on Human Rights of the Philippines o CHR ang kontrobersyal poster ng pelikulang “Tililing” na ipinrodyus ng Viva Films at VinCentiments.
Naglabas din ng official statement ang CHR tungkol sa pinag-uusapang movie poster sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page kung saan ipinagdiinan nila ang issue tungkol sa mental illness.
Ni-repost nila ang poster ng pelikula sa FB kalakip ang artcard ng kanilang pagkondena rito kasabay ng pagpapaliwanag kung bakit hindi rin nila ito nagustuhan.
“Bagama’t naniniwala ang CHR na mayroong artistic freedom ang mga manlilikha, ikinakabahala nito ang paglalabas ng poster ng pelikulang ‘Tililing’ na nagpapakita ng stereotypical at discriminating na imahe ng mga taong may iniindang mental health illnesses.
“Marami sa ating mga kababayan ang nahaharap sa iba’t ibang mental health challenges na nahihirapang humingi ng tulong dahil sa stigma.
“Kung kaya’t kinakailangan nating maging mas sensitibo sa pagtalakay ng isyung ito lalo na sa larangan ng mass media.
“Marami nang miskonsepsyon na bumabalot sa usapin ng mental health at hindi makakatulong kung makakahon ito sa misleading na pagtingin,” ayon sa opisyal na pahayag ng CHR.
Samantala, ni-repost naman ng VinCentiments sa kanilang Facebook account ang artcard na ibinahagi ng CHR at ipinaalam sa publiko ang reaksyon nila hinggil dito.
“Mundo, Ito ang Pilipinas.
“Sino ang nangStereotype—ang poster o ang tumitingin. Sarili ang Suriin,” ang caption na iniligay ng VinCentiments sa kanilang FB post.
Ang “Tililing” ay pinagbibidahan nina Baron Geisler, Gina Pareño, Chad Kinis, Candy Pangilinan at marami pang iba, sa direksyon ni Darryl Yap.
Kung matatandaan, dahil din sa nasabing poster ay nalagay sa hot seat ang Kapamilya actress na si Liza Soberano. Hindi rin niya nagustuhan ang movie poster bilang isang advocate ng paglaban at pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa mental illness.
Nag-sorry na si Liza sa lahat ng na-offend sa naging reaksyon niya sa poster ngunit naninindigan siya sa kanyang paniniwala at ipinaglalaban.