INAMIN ni Janine Gutierrez na mas nahihiya siyang kaeksena ang nanay niyang si Lotlot de Leon kaysa sa ibang artista. Magkasama kasi sila sa pelikulang “Dito at Doon” bilang mag-ina rin.
Kuwento ni Janine sa ginanap na virtual mediacon ng bago niyang movie kamakailan na nahirapan siya sa eksena nila ni Lotlot dahil hindi okay ang relasyon nila sa kuwento na kabaligtaran sa totoong buhay.
“Nag-enjoy ako working with her kasi ang relationship namin dito as mother and daughter ay hindi kami masyadong okay lagi kaming nagsasagutan which is not how we are in real life, so kapag pinagsasabihan niya ako, parang natatakot talaga ako.
“So exciting to see what kind of dynamics we have sa Dito at Doon kasi ibang-iba kung paano kami sa totoong buhay,” say ng aktres.
Pero in-enjoy ng aktres ang role nilang mag-ina na hindi magkasundo dahil, “First time kong masungitan ang nanay ko (nagkatawanan ang lahat) kasi ang turo niya talaga sa amin is respeto, ‘wag kang sasagot pero dito in the film, si Len (karakter ni Janine) is napaka-strong ng character na minsan mas nanay pa tayo sa mga nanay natin, so doon namin napakita ‘yung ganitong relationship ng mag-ina.”
Nagbigayan ba sila in terms of acting lalo’t mahusay na artista si Lotlot? “Opo, napakagaling nga po talaga ni mama kaya mas kinakabahan ako but at the aame time mas madaling mag-react kasi ibinibigay niya sa ‘yo kaya talagang syokot.”
Nabanggit ding looking forward na makatrabaho ni Janine ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
“Of course, siyempre iba rin naman ‘yun. I’ve worked with her once for an episode of a TV show and ‘yun talaga nginig-nginig ang kalamnan ko dahil of course her presence on screen talagang ramdam mo, so in person is double that, so bilang artista lahat naman tayo pangarap na maka-trabaho siya,” kuwento ng dalaga.
Ang reaksyon daw ni Nora sa acting ni Janine, “Parang natatawa po sila sa akin kasi ‘yung episode na ‘yun, siya ‘yung lola ko at ‘yung mama ko (Lotlot) siya ‘yung mama ko, ‘yung lola is an comfort woman, ‘yung mama ko OFW tapos ako parang balikbayan.
“So parang paulit-ulit ang lines (ko), tapos parang tinitingnan lang nila ako na parang natatawa sila (Nora at Lotlot). Or I guess naaaliw sila (sa akin) kasi sinusubukan (kong) magpatunay (pag-arte),” sey ng dalaga.
Hindi rin naman napahiya si Janine sa lola at nanay niya dahil may mga best actress awards na siya at citations sa iba’t ibang award giving body.
At kamakailan nga ay napagkamalan pa siyang si Mamita Pilita Corrales niya sa production number niya sa anniversary ng “ASAP” noong nakaraang Linggo, Peb. 7 kung saan trending pa siya.
Sa pag-arte ay kay mama Lotlot niya nakuha at sa pagkanta ay sa mamita Pilita niya ito namana.
Anyway, mapapanood na ang “Dito at Doon” sa Marso 17 mula sa TBA Studios na idinirek ni JP Habac at bukod kina Lotlot at Janine ay kasama rin sina Victor Anastacio at Yeshi Burce.
Pero bago ito, magkakaroon muna ng world premiere ang “Dito at Doon” sa Osaka Asian Film Festival mula Marso 5 hanggang 14 sa Osaka, Japan.