Kiray ‘money bouquet’ ang V-day gift sa magulang: Pagpasensyahan n’yo na, yan lang po nakayanan ko…

HUMINGI ng pasensya ang Kapuso comedienne na si Kiray Celis sa kanyang mga magulang matapos ibigay ang Valentine’s Day gift niya para sa mga ito.

May naisip din kasing pasorpresa ang dalaga sa kanyang parents ngayong Araw ng mga Puso ngunit may “disclaimer” din siya sa ibinigay na regalo.

Sa halip na bumili at regaluhan ng bouquet of flowers ang tatay at nanay niya, bungkos ng 100 peso bill na kinorteng bulaklak ang kanyang ipinagawa.

“Happy happy Valentine’s Day, mama and papa. Hindi man ako perpektong anak, pero ibibigay ko lahat ng kaya ko, guminhawa lang ang buhay niyo,” ang caption ni Kiray sa Instagram photo ng mga magulang.

Nangako naman ang dalaga na sa susunod na okasyon ay bouquet ng 1,000 peso bill naman ang ipagagawa niya kasabay ng paghingi ng pasensya.

“Salamat sa walang sawang suporta, pagmamahal at pagiintindi sakin. Mahal na mahal ko kayo. Next time, tig 1k nayan lahat. Pagpasensyahan niyo na? Yan lang nakayanan ko,” mensahe ni Kiray.

Sey pa ng komedyana, ibabahagi niya sa kanyang YouTube channel ang kuwento sa likod ng nasabing money bouquet at kung bakit ito anf naisip niyang iregalo sa parents niya ngayong Araw ng mga Puso.

“ABANGAN NIYO TO SA VLOG KO! Mga reaksyon nila mama nung inabot sa kanila!” chika ni Kiray.

Kung matatandaan, nitong nagdaang Pasko, naghanda naman si Kiray ng mga sash na gawa sa 1,000-peso and 500-peso bills. Ito ang ibinigay niya sa mga magulang na mala-beauty pageant ang peg.

“Yan muna regalo ko sainyo. Pandemic eh. Next Christmas, kakayod ako ng bongga para bagong bahay saka bagong kotse naman regalo ko sainyo. I love you, Mama and papa! Merry christmas, everyone!” ang caption ni Kiray sa kanyang IG post.

Samantala, nag-post din si Kiray ng litrato nila ng kanyang boyfriend na si Stephan Estopia at binati ito ng “Happy Valentine’s Day.”

Ipinagdiinan ng komedyana sa kanyang caption na finally ay nahanap na raw niya ang lalaking katulad ng tatay niya.

Read more...