Juris takot pa ring lumabas dahil sa COVID; may payo sa mga OFW ngayong V-day

TAKOT pa ring lumabas at magpunta kung saan-saan ang Kapamilya singer na si Juris Fernandez.

Kaya ngayong Valentine’s Day, baka raw sa bahay lang sila mag-celebrate ng kanyang non-showbiz husband na si Gavin Lim kasama ang dalawa nilang anak na sina Giddy at Geordi.

Matapos ngang ikasal ang mag-asawa noong 2011, talagang kinakarir ni Juris ang pagbabalanse ng kanyang panahon bilang misis, nanay at ang pagiging singer.

Natanong siya sa nakaraang virtual presscon ng free Valentine concert nila ni Jed Madela na “Hearts On Fire” na ginanap kagabi, kung paano nila ipagdiriwang ni Gavin ang heart’s day.

“Siguro through the years nag-change simula nu’ng nag-asawa din ako how we celebrate.

“Minsan may mga celebration na hindi lang kami, minsan may celebration na puwedeng kami lang tapos meron din with the kids para they know about celebrating Valentine’s day. Tapos pag may concert, hindi naman nasasabay-sabay yan,” simulang kuwento ng singer.

Patuloy pa niya, “Kami ng husband ko, hindi pa kami nakapag-date na punta kami ng restaurant, ganyan. Hindi pa namin kaya pumunta ng restaurant.

“Tingnan natin towards the end of the year. Kasama namin yung mga kids dito sa bahay lahat kami dito. Yun pa lang yung plan. Basta magkakasama sama. That’s what’s important,” dagdag ni Juris na umaming napapraning pa rin siya sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Nahingan din siya ng mensahe para sa mga kababayan nating OFW mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na hindi makakasama ang mga mahal nila sa buhay ngayong Araw ng mga Puso.

“Huwag kayong malungkot guys. You know we’re here for you and one of the things na paraan namin nila Jed na hopefully will comfort you is yung mga ganito, tulad ng mga concert namin.

“Hopefully, that’s how we want to reach out to you guys to let you know that we’re here for you kung ano man yung pinagdadaanan niyo and then hopefully nga ma-realize niyo na yung mga bagay na ganyan temporary naman yung pakiramdam na yan talaga and let’s count our blessings.

“Alam mo malaking blessing itong techniology because right now we get to really still reach out to each other pag mga ganito lik through social media, mga video chat. Hang in there guys,” chika pa ni Juris.

May payo rin siya sa lahat ng Filipino na nagtatrabaho abroad, “Lagi niyong isipin na ang laking bagay din ng ginagawa niyo para sa mga mahal niyo sa buhay and what you do is an expression of love du’n sa mga taong minamahal niyo and yun yung pinakaimportante.

“Tuloy lang tayo sa pagdarasal and siguro ngayon kung hindi kayo makakauwi because of what’s happening right now, the most important things na isipin na lang natin is everyone is healthy and safe kasi yun naman ang importante.

“That’s how we also want to express how much we care and love for your family and loved ones. Huwag kayong malungkot. Music ang puwede naming ibigay sa inyo kaya samahan niyo na rin kami. Para sa inyo talaga yan. Magkita-kita tayo soon,” aniya pa.

Ang “Hearts On Fire” nina Jed at Juris ay bahagi ng YouTube Music Night’s na napapanood via ABS-CBN Star Music, MOR, MYX Philippines at One Music’s YouTube channels.

Read more...