HANGGANG ngayon ay single pa rin si Claudine Barretto at diretsahan niyang sinabi na handa na rin siyang magkaroon ng dyowa.
Ilang taon na rin naman kasi silang hiwalay ng kanyang estranged husband na si Raymart Santiago na balitang masaya na ngayon sa piling ng Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria.
Maraming rebelasyon ang hindi na aktibong aktres sa isang vlog na in-upload ng isa sa kanyang BFF sa showbiz na si Janelle Jamer tungkol sa personal niyang buhay at isa na nga riyan ang tungkol sa lovelife.
Natanong si Claudine kung handa na ba siyang magkaroon ng bagong lalaking mamahalin, “Oo naman. Kaya lang, wala pa rin talagang dumarating. Hindi ko rin kinukulit si God, kapag dumating, eh darating talaga. Ganu’n talaga, eh.”
Napag-usapan din nila ang tungkol sa yumao niyang boyfriend na si Rico Yan kung saan inamin ng aktres na hanggang ngayon ay apektado pa rin siya sa maagang pagkawala nito sa mundo.
Pumanaw ang aktor noong March 29, 2002 dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis.
Sabi ni Claudine, “Mahal ko pa rin siya. Hindi nawawala ‘yon. I think hindi nawawala ‘yung (love) kapag namatay na ‘yung tao.
“Kahit hindi na kami, nandoon pa rin. Lalo pa yatang lumalabas kung ano ang nararamdaman mo towards the person kapag nawala na ‘yung tao.
“Yes, mayroon akong pagsisisi na sana mas matagal ko siyang nakasama, sana nandoon ako nung nangyari ‘yung dapat sana ay hindi nangyari,” lahad ng dating asawa ni Raymart.
Samantala, nabanggit din ng tinaguriang Optimum Star na gusto pa niyang magkaroon ng baby in the future. May apat nang anak si Claudine ngayon sa edad na 41.
“Siguro mag-adopt, okay na ako. Kumpleto na ako, two boys, two girls. Pero ‘yung magdagdag pa, hindi ko kino-close ‘yung door ko. Hindi ko rin iniisip na magdagdag pa. Kumbaga, happy na ako, kumpleto na ako as a mother,” sey ni Claudine .
Okay din daw sa kanya na magkaanak sa magiging next partner niya kaya nagpaplano raw siyang magpa-preserve o magpa-freeze ng kanyang “eggs”.
“Sana. Kasi 41 na ako. ‘Yung mom ko 46 yata nu’ng magbuntis sa akin. Sana kapag nakahanap na ako, kapag dumating na si Mr. Right, sana magkaroon pa.
“Pero ‘di ba, gaya ng pinag-usapan natin, nagpapa-freeze ng eggs ngayon. Isa pang biological,” pahayag pa ni Claudine.