Anne, Erwan nakauwi na sa Pinas kasama si Baby Dahlia; 8 araw pang naka-quarantine

NAKAUWI na sa Pilipinas ang mag-asawang Anne Curtis at Erwan Heussaff kasama ang panganay nilang anak na si Baby Dahlia.

Makalipas ang mahigit isang taong pamamalagi sa Melbourne, Australia nakabalik na rin sa bansa ang Team Heussaff kahit pa nga may banta pa rin ng COVID-19 pandemic sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ibinalita ni Erwan sa madlang pipol ang pag-uwi nila ni Anne sa pamamagitan ng Instagram. Nag-post siya ng maikling video kung saan makikita ang ilang ganap sa kanilang quarantine period.

Ibinalita ni Erwan na pagkatapos nilang mag-quarantine sa hotel, anim na araw pa silang magse-self isolation sa bahay bilang bahagi pa rin ng pagsunod nila sa health protocols sa Pilipinas.

“Melbourne to Manila and 6 days hotel quarantine done. Eight days of home isolation to go,” ang caption ng vlogger-restaurateur sa kanyang IG post.

Makikita sa video ni Erwan ang pagpapa-swab test ni Anne, ang pagluluto niya ng kanilang food at ang paglalaro ng anak nilang si Baby Dahlia sa hotel na tinutuluyan nila ngayon.

Nagtungo ang mag-asawa sa Australia noong December, 2019 para doon ipanganak ang kanilang firstborn. Doon na rin sila inabutan ng lockdown nang magsimula ang pandemya kaya hindi sila nakauwi agad sa Pinas.

Sa isang panayam, sinabi ni Anne na wala pa siyang balak bumalik sa showbiz para ibuhos muna ang panahon niya kay Erwan at sa panganay nilang baby.

Aniya, baka raw kapag one year old na si Dahlia ay saka siya magbalik sa pagtatrabaho. Ngayong darating na March ay isang taon na ang bagets.

“I wouldn’t say na I’m in a rush to start working again, just because lalo na for the first year of Dahlia’s life, I really want to be there for her, and really see all the firsts that will happen.

“I just feel very happy and blessed that I get to spend this much time with her, na talagang 24/7 magkasama kami,” sabi pa ng It’s Showtime host sa nakaraan niyang interview.

Read more...