TULOY ang pakikipaglaban ng singer-songwriter na si Paolo Guico na isa sa mga miyembro ng Ben&Ben, para sa mga karapatan ng LGBTQ+ community.
Nanawagan ang binata sa madlang pipol na tigilan na ang pambu-bully at pagdidikta sa mga beki at tomboy na kadalasang dahilan kung bakit marami pa rin ang natatakot na ilantad ang kanilang tunay na pagkatao.
Hinikayat pa niya ang mga kapwa Filipino na buksan ang puso at isipan sa usaping “gender identity and expression”. “Grow up” ang ipinagdiinan niya sa kanyang social media post.
Sinagot ni Paolo ang ilang netizens na nagkomento sa kanyang Instagram selfie photo kung saan makikitang nakasuot siya ng dress, with casual shirt at pants bilang kanyang OOTD.
Ang isinulat niya sa caption, “Be comfy in your own skin.” Maraming nag-like sa post ng singer pero may mga negatibong comment din siyang natanggap mula sa mga taong sarado pa rin ang utak tungkol sa mga issue ng LGBTQ.
Sa pamamagitan ng Twitter, sinagot ni Paolo ang pangnenega sa kanya ng mga netizens pati na rin sa patuloy na pambu-bully sa mga beki at lesbian.
“Sometimes, I post about challenging gender stereotypes, by wearing my mom’s clothes. There. The comments are full of * surprise!* gender stereotypes. Hahaha,” sabi ng singer.
Aniya pa, “Never assume anyone’s gender based on the clothes they wear. Hay Pilipinas, ang layo pa natin.
“Higit pa rito, mali ang mag-assume na ang isang bagay o gawain ay panlalaki o pambabae lamang.
“Kids, be free to be yourselves. Don’t let anyone bring you down,” pahayag pa ng member ng Ben&Ben.
Nakiusap din siya na tigilan na ang paggamit ng salitang “bakla” bilang pagtukoy o pang-iinsulto sa isang miyembro ng LGBTQ community kasabay ng pagbandera niya sa pakikipaglaban sa “rights and freedom” ng grupo.
“Sana’y makamove-on na tayo bilang bansa sa paggamit ng ‘bakla’ bilang insulto. As a heterosexual male, I may not be in the place to speak for them but, I will fiercely fight for our LGBT friends and listeners.
“You are valid, accepted and loved. Pilipinas, let’s grow up!” diin pa niya.
Ang Ben&Ben ay isa sa mga grupong nagsusulong at nakikiisa sa laban ng queer community sa pamamagitan ng kanilang mga kanta at music video, tulad ng “Maybe the Night” at “Fall” kung saan ipinakita ang isang lesbian couple at iba pang uri ng romantic love.