Apela ni Bong Go sa pork traders: huwag nang ipilit ang pork holiday

Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga negosyante ng baboy na ikunsidera ang mga mahihirap at huwag nang ipilit pa ang pagsusulong ng pork holiday.

Sa kaniyang pagbisita sa mga nasalanta ng bagyo sa Rodriguez, Rizal sinabi ni Go sa sandaling lalo pang tumaas ang presyo ng karne at manok, ang mga ordinaryong Pilipino ang tiyak na tatamaan.

“Huwag na po muna kayong mag-pork holiday dahil ang mahihirapan po dito, kapag tumaas ang presyo ng pork at chicken, ay ‘yung mga ordinaryong Pilipino po na ‘isang kahig, isang tuka’,” ayon kay Go.

Apela ni Go, isaalang-alang muna ang kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan lalo ngayong may pandemya ng Covid-19.

Hinimok din ni Go ang mga pork trader na sumunod sa price ceiling kasabay ng pagtitiyak na patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para mabalanse ang interest ng ng mga apektadong sektor.

“Matapos po pinirmahan ni Pangulong Duterte ‘yung dalawang buwang price ceiling, dapat ay sundin nila ito. Pinag-aaralan naman po ng gobyerno ang lahat at binabalanse,” sabi ni Go.

Inatasan na aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Agriculture at ang Department of Trade and Industry na magkaroon ng surveillance team para matiyak na nasusunod ang Executive Order tungkol sa price ceiling.

Magugunitang kamakailan nilagdaan ni  Duterte ang Executive Order No. 124 na layong maawat ang pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Iiral ang price ceiling sa loob ng 60 araw at maari ding mapalawig pa depende base sa rekomendasyon ng DA.

Sinabi rin ni Go sa lahat na dapat magtulungan ang mga concerned agencies at pribadong sektor para maiwasan ang pagkakaroon ng kagutuman sa mga mahihirap na mamamayan.

“Intindihin po natin na maraming nawalan din ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may mga pamilyang pinapakain. Huwag natin hayaan na may magugutom.” ayon pa sa senador.

Sinabi ni Go na mahalagang magkaroon ng long-term solutions para masiguro ang pagkakaron ng food security.

Kabilang aniya dito ang pagtitiyak na maayos ang suplay ng baboy sa buong bansa.

Kailangan ding paigtingin ng DA at DTI ang monitoring at surveillance upang masigurong walang mananamantala sa presyo.

“Bilang mambabatas, patuloy ang panawagan ko sa DA na maglatag ng long-term solutions towards food security. Kasama na dito ang pag-stabilize ng supply ng baboy sa buong bansa. Paigtingin rin lalo ng DA, DTI, at iba pang ahensya ang kanilang price monitoring at surveillance upang masigurong walang nananamantala at sumusunod dapat lahat sa kautusang temporary price ceiling,” dagdag ni Go.

Hiniling din ni Go sa DA na magkaloob ng subsidiya para mahit paano ay matulungan ang mga hig traders at hog raisers.

Ang importante ayon kay Go na magkaroon ng bayanihan para hindi na madagdagan ang pasanin ng mga mahihirap.

“Magtulungan na lang po tayo, sa mga consumers, sa mga producers, itong sa mga suppliers po, itong mga hog raisers, balansehin po natin ang lahat para sa ikabubuti ng bawat Pilipino,” sinabi pa ng senador.

Read more...