Aabot sa 1,050 ang ipapatayong bagong cell tower ng Globe Telecom matapos maaprubahan ang 1,857 na permit nito, ayon kay Globe president at chief executive officer Ernest Cu.
Dagdag ito sa 250 na kabuuang cell sites na naitayo ng Globe noong 2020 matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na padaliin ang proseso ng pagkuha ng mga permit ng telcos para mapabuti ang serbisyo ng telekomunikasyon, kabilang na ang internet sa bansa.
Sa special briefing na dinaluhan ng mga opisyal ng National Telecommunications Commission at Globe, sinabi ni Cu na malaking hakbang na ang nagawa ng kumpanya sa pagsaayos ng kanilang network at internet services.
Ayon kay Cu, nakapagsagawa ang Globe ng 10,876 site upgrades patungong 4G/LTE. Sa katapusan ng taon, plano ng telco na maglatag pa ng 600,000 broadband lines na makapagsasaayos ng kuneksyon sa mga tahanan.
“These expansion efforts have resulted in improvements in calls texts and data services of our customers in 1,098 cities and municipalities in 80 provinces all over the country. Our 5G technology will soon cover 80 percent of NCR by 2020,” paliwanag ni Cu.
Kinilala ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga hakbang ng telco industry para sa mas maayos na serbisyo matapos maipasa ang Bayanihan Act 2 at ang Arta Joint Memorandum Circular.
Ayon kay Cordoba, base sa November 2020 report ng Ookla – independent analytics company, ang average download speed sa bansa ay nasa 28.69Mbps para sa fixed broadband at 18.49Mbps sa mobile.
Iniulat din ng NTC ang 590 percent na pagtaas sa nakuhang mga permit ng Globe simula noong Hulyo.
Tiniyak ni Cordoba sa publiko na patuloy ang pagpapabuti sa serbisyo ng network sa bansa at ngayong unang quarter ng 2021 ay mararamdaman na ito ng kanilang customers.
Sinabi ni Cordoba na kailangang pondohan ng national government ang ICT infrastructure sa bansa para mas mapabilis ang service improvements.
Sa maraming mga bansa sa Asya, gumagastos ng bilyun-bilyong dolyar para sa kanilang ICT infrastructure.
Ang mga telcos pa aniya ang rumerenta sa gobyerno hindi gaya sa Pilipinas na ang lahat ng telco infrastructure ay pribadong pag-aari.
Ayon kay Cordoba, sa mga bansang may mataas na internet speed, malaking pondo ang inilaan ng kanilang gobyerno para sa imprastraktura.
Halimbawa na lamang ayon kay Cordoba ang South Korea na gumastos ng $24 billion, Vietnam – $820 million, Thailand – $343 million at China – $289 billion, na lahat ay government-funded.
Sa kaniyang briefing, hiniling ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga telco industry na magbigay ng world-class services sa mamamayan.
Sa naturang briefing tiniyak naman ng Globe na layunin nilang maibigay ang #FirstWorldNetwork sa publiko.