‘Dito at Doon’ nina Janine at JC babandera sa 2021 Osaka Asian filmfest

NANGHIHINAYANG ang mga taga-TBA Studios, pati na ang lead stars ng bago nilang pelikula, ang “Dito at Doon” dahil hindi sila makadadalo sa gaganaping Osaka Asian Film Festival 2021.

Isa ang pelikula nina JC Santos at Janine Gutierrez na idinirek ni JP Habac sa mga napiling kalahok para sa Osaka Asian Film Festival na magsisimula sa Marso 5 at tatagal hanggang 14.

Dahil sa COVID-19 pandemic ay pawang virtual ceremonies pa ang lahat ng gaganaping film festival sa iba’t ibang panig ng mundo kasama na nga ang OAFF.

Kabilang ang “Dito at Doon” sa 50 pelikula (iba’t ibang genre) na mapapanood sa Osaka na ang concept ay “From Osaka to All of Asia.”

Ang iba pang bansang kasama sa nasabing filmfest ay ang China, Hong Kong, Macao, Taiwan, Korea, Vietnam, Thailand, Singapore, Malaysia, Bhutan, Indonesia, India, Qatar, Greece, France, the Netherlands, USA at Japan.

Matatandaang nakamit ng pelikulang “Write About Love” ang ABC TV Award noong Osaka Asian Film Festival 2020 mula sa direksyon ni Crisanto Aquino na pinagbidahan nina Miles Ocampo, Rocco Nacino, Yeng Constantino at Joem Bascon.

Ito rin ang naging entry ng TBA Studios sa 2019 Metro Manila Film Festival kung saan nanalo ng Best Supporting Actor si Joem at Best Supporting Actress si Yeng. Nanalo rin ito ng Special Jury Prize at Best Screenplay.

Bale ikalawang pelikula na ni Janine ang “Dito at Doon” sa OAFF dahil noong 2020 ay napasama sa Special Program Screening ng Osaka Asian Film Festival ang kanyang “Babae at Baril” na idinirek ni Rae Red.

Ang iba pang pelikulang nakasama roon ay ang “LSS (Last Song Syndrome)”, “Write About Love,” “Metamorphosis” at “Sunshine Family.”

Noong 2018, sa 13th Osaka Asian Film Festival ay nakamit naman nina Ryza Cenon at direk Mikhail Red ang double victory kung saan nanalo ang aktres ng Yakushi Pearl Award for best performer sa pelikulang “Mr. and Mrs. Cruz” at Most Promising Director naman para sa “Neomanila”, respectively.

Unang nakakuha ng Yakushi Pearl Award ay si Iza Calzado para sa pelikulang “Bliss” (2017) mula pa rin sa TBA Studios.

Maulit kaya ang double victory sa pelikulang “Dito at Doon” ngayong 2021 OAFF?

Read more...