Loisa, Ronnie pinaiyak ang madlang pipol: Grabe kayo! Pasabog!

INABANGAN, pinag-usapan at iniyakan ng viewers ang unang episode ng bagong online series nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte na “Unloving U”.

Trending din sa social media ang pagsisimula ng kwento nito sa iWantTFC streaming service na patunay lang na buong-buo at solid pa rin ang suporta ng LoiNie fans sa magka-loveteam on and off cam.

Pumasok agad sa top trending topic sa Twitter Philippines ang hashtag na #UnlovingUPremiere noong Lunes (Peb. 8) kasabay ng pagbabahagi ng netizens ng mga papuri at emosyong naramdaman nila habang nanonood ng serye.

Sabi ng Twitter user na si @OneAndLoiNie, “I’m glad that direk Easy was able to give us a different kind of love story. So excited to see how Fiona and Alfie will fight for their love lalo na magkapatid ang tingin ng tao sa kanila.”

Bawal na pag-ibig ang tema ng serye kung saan ginagampanan nina Loisa at Ronnie ang karakter nina Fiona at Alfie, dalawang step-siblings na magsasama sa iisang bahay pagkatapos ikasal ang kanilang mga magulang na sina Darlene at Henry (Gelli De Belen at Ariel Rivera).

Kahit na magkapatid ang tingin sa kanila ng lahat, hindi naman napigilan ni Fiona na mahulog ang loob kay Alfie ngunit tinatago ang pagtingin nito.

Samantala, bukod naman sa kilig ay pinabilib din nina Loisa at Ronnie ang netizens sa pagganap nila sa “Unloving U.”

Ito ay dahil sa eksena ng paghihiwalay nina Fiona at Alfie sa pagtatapos ng unang episode dahil sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang pagkatapos maging mag-asawa ng ilang taon.

Tweet ni @youreTRENDING, “Bakit po @iamAndalioLoisa @iamr2alonte sa unang episode masaya tapos nakakaiyak agad? Masyado niyo pinapatunayan na magaling kayo. Ganda ng first episode.”

“Jusmio! Last part ang gusto ko! Kasi sobrang naiyak ako! Ano beyen @iamAndalioLoisa at @iamr2alonte! Ginalingan niyo masyado! Nadala ako sa scene na yon sobra!” pagbabahagi ni @iliopsoas18.

Ayon naman kay @blisszx, “Pero grabe talaga iyakan ng LoiNie sa episode 1, kay loisa medyo nasanay na ako eh pero si ronnie maaa! Pasaverg, ang gagaling niyo na talaga!!! #UnlovingUPremiere.”

Matapos namang maudlot ang love story nina Darlene at Henry, may pag-asa na kaya para kay Fiona na aminin ang nararamdaman niya para kay Alfie?

Napapanood na ng standard and premium subscribers ang “Unloving U” sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com, kung saan isang episode kada araw ang ipalalabas tuwing 8 p.m. hanggang Peb. 13.

Mapapanood din ang mga ito sa mas malaking screen dahil available na rin ang iWantTFC sa mga piling smart TV brands, ROKU streaming devices at Telstra TV para sa users na nasa labas ng Pilipinas.

Read more...