Jona magiging choosy na sa pagpili ng dyowa; PBB housemates nominado lahat sa next eviction

MARAMING natutunan ang biritera at tinaguriang Fearless Diva na si Jona sa huli niyang pakikipagrelasyon.

Kaya naman aminado ang dalagang singer na mas magiging choosy na siya ngayon pagdating pagpili ng lalaking mamahalin, hangga’t maaari ay ayaw na niyang magkamali sa usaping lovelife.

Sa nakaraang virtual mediacon para sa kanyang first digital concert na “Love, Jona,” na ginanap nga last Saturday, diretsahang sinabi ng Kapamilya singer na single na uli siya ngayon.

Aniya, “Kasi parang dumating ako sa point na parang I don’t want to waste time or play games anymore. Nasa ganu’ng level na po ako.”

Marami raw siyang realizations sa kanyang previous relationship at dahil dito mas magiging wais na raw siya sa usaping pag-ibig. Diin niya, walang masama sa pagiging maingat at choosy.

“Yung pangyayari noon ay lesson learned po ‘yon. Kumbaga may ilang tao na kailangang pagdaanan ang masasakit or mapapait na experience for you to really learn.

“So, I guess from that experience doon po talaga ako fully naging woke at na-realize ko ang mga dapat gawin at hindi dapat gawin.

“During these developing years, nalalaman ko po ‘yung personal kong gusto, kumbaga standard para sa future na mamahalin ko if ever. It’s okay to be choosy kasi you only deserve the best. Dapat hindi po tayo nagse-settle sa less,” lahad pa ni Jona.

Nagpapasalamat din si Jona sa mga taong malapit sa kanya na walang sawang nakaalalay at sumusuporta sa kanya, kabilang na riyan ang talent manager niya.

“Kasi alam nila kung paano ako mag-love, so ayaw nilang masayang ‘yung ide-dedicate ko na love, effort, time sa taong darating sa buhay ko,” sey pa ni Jona.

                            * * *

Doble ang sakit sa puso ng housemates ni Kuya dahil lahat sila ay nominado for eviction ngayong linggo pagkatapos mapangalanan si Kyron Aguilera bilang ikapitong evictee sa “PBB Connect.”

Naging mahigpit uli ang laban sa Bahay Ni Kuya pero sa huli, ang Shy Biker Boy ng Butuan na si Kyron ang kinulang sa boto matapos makakuha ng 11.19% na pinagsamang Kumu at text votes. Nanguna naman sa botohan si Gail na may 16.18% na sinundan ni Ralph na nakaani ng 13.70%.

Ngayong linggo ng mga puso naman, mahaharap ang housemates sa isang heartbreaking challenge dahil silang lahat ay kasama sa listahan ng nominado for eviction.

Kailangan ng housemates na magtagumpay sa “Game of Hearts,” kung saan dadaan sila sa tatlong laro na magbibigay sa kanila ng pagkakataon na iligtas ang kanilang sarili sa posibilidad ng pagkaka-evict.

Samantala, naging usap-usapan naman kamakailan ang naging “Chisquiz” task ng housemates sa social media, kung saan itinugma nina Ralph at Gail ang mga sinabi ng housemates tungkol sa isang kapwa housemate.

Usap-usapan sa Twitter world ang quiz challenge ni Kuya na nagsilbi ring paalala sa viewers kung gaano kahalaga ang komunikasyon, pagiging maingat sa mga binibitawang salita sa kapwa, pag-amin sa pagkakamali, at paghingi ng tawad.

Trending ang #PBBChisQuizPa at pangalan ng iba’t ibang housemates tulad nina Alyssa, Andrea, Ella, Gail, Kobie, Quincy, at Ralph noong Sabado dahil sa mainit at emosyonal na mga pangyayari sa loob ng bahay ni Kuya.

May mga netizen na humanga sa pagpapakatotoo ng housemates sa naging Chisquiz at mayroon namang bumilib sa pagpapakumbaba at pag-amin sa pagkakamali ng ibang housemates.

Isa si Ella sa mga naglakas-loob na pakinggan ang mga sinabi tungkol sa kaniya ng mga kapwa housemate.

Payo sa kanya ni Kuya, “Minsan mahirap talaga malaman kung ano ang mga iniisip ng ibang tao tungkol sa’yo. Baka kailangan mo ring mag-isip kung ano ba talaga ang dahilan nito. Dahil baka ang mga sinasabi sa’yo, doon mangagaling ang tunay na pagbabago, doon mangagaling ang tunay na pagkakaibigan, at pagsasama. At doon din makikilala ang sarili mo ng lubusan.”

Ano kaya ang magiging epekto ng naganap na Chisquiz sa samahan ng housemates? Sinong housemate kaya ang maliligtas sa Game of Hearts?

Tutukan iyan at iba pang mga pangyayari sa “PBB Connect,”  10 p.m., Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at ABS-CBN Entertainment Channel.

Read more...