Maja hindi totoong magiging co-host ni Willie sa Wowowin; pero may pasabog kasama si Heart

HAYAN, may nagbulong sa amin na hindi totoong lilipat si Maja Salvador sa GMA 7 at nagtataka ang aktres kung saan at sino ang nagpapakalat ng balita.

Bagay na ipinagtataka rin ng “Wowowin” host na si Willie Revillame dahil nga may kumalat na balita na magiging co-host daw niya sa kanyang programa sa Kapuso network ang aktres.

Tinanong nga rin ni Willie ang kaibigang broadsheet editor kung sino ang nagsulat at nagpapakalat ng tsikang nasa GMA na si Maja.

“Hindi ko kailangan ng co-host. It’s a talk show paminsan-minsan naman with guest co-host,” diretsahang sabi ni Willie.

Anyway, ang kumpirmado ay ang magaganap na collaboration sa pagitan ni Maja at ng Kapuso star na si Heart Evangelista. Mapapanood ito sa YouTube channel na “Meet Maja.”

Kaya pala may post ang dating Kapamilya actress ng larawan nila ni Heart na parehong nakasuot ng sosyaling damit na tinernuhan pa ng boots na may mataas na takong.

Ang caption ni Maja sa litrato nila ni Heart, “Had fun today with the ever beautiful Ms. @iamhearte
Salamat Ganda! #SOON #MeetMaja.”

Tsika sa amin ay ang pagba-vlog ang isa sa pagkakaabalahan ngayon ni Maja na may 1.07 million subscribers na sa YT and still counting. Meron pa lang itong laman na 53 videos.

May talent agency din na itinatag si Maja, ang Crown Artist Management kung saan kasosyo niya ang boyfriend na si Rambo Nuñez na ang kasalukuyang talent ay ang kapatid ng aktres.

Samantala, trulili rin kaya ang tsikang narinig namin na dapat sana ay si Maja ang magma-manage sa pagbabalik-showbiz ng anak ni Aiko Melendez na si Andre Yllana?

Kamakailan lang ay pumirma sa Viva Artist Agency ang binata na pinamamahalaan ni Ms. Veronique del Rosario-Corpus.

Ayon sa aming source ay marami pang inaasikaso si Maja at hindi pa niya matututukan ang career ni Andre dahil kailangan muna niyang ipuwesto ang sarili niya lalo’t wala pa siyang regular show ngayon.

Anyway, may narinig kaming balita na may offer ang TV5 kay Maja na ayaw pang itsika ng aming source ang mga detalye.

Read more...