Promise ni Neri kay Chito: Habang buhay kitang mamahalin at aalagaan!

KINILIG ang mga tagasuporta ng celebrity couple na sina Neri Naig at Chito Miranda sa sweet na sweet na paandar ng aktres para sa kanyang asawa.

Idinaan ni Neri sa social media ang kanyang madamdaming birthday message para sa frontman ng Parokya ni Edgar na nag-celebrate ng kanyang ika-45 kaarawan last  Feb. 7.

Nangako ang aktres at matagumpay na negosyante kay Chito na aalagaan at mamahalin niya ito habang siya ay nabubuhay.

“Happy 45th birthday, Dad! I love you so much!” simulang pahayag ni Neri.

“Daddy!!!!! Habang buhay kitang mamahalin at aalagaan! Maraming salamat sa pag-asikaso sa akin kapag masama ang pakiramdam ko. Pagyakap sa akin kapag sad ako, pagkinig sa akin sa lahat lahat ng mga kwento ko.

“Kayang kaya mo akong patawanin kahit naiirita ako lalo na sa sarili ko, pinaparamdam mo sa akin na maganda ako kahit hindi ko nakikita, at sinusuportahan mo ako sa lahat ng gusto kong gawin para sa sarili ko.

“Palagi ka talagang nakasuporta, walang kompetisyon. Pero palagi mo akong pinapangaralan na sobrang naaappreciate ko,” lahad ng aktres.

Aminado naman si Neri na hindi rin perfect ang pagsasama nilang mag-asawa, ngunit naniniwala siya na bahagi talaga ng pagsasama ng married couple ang mga pagsubok, ang mahalaga ay magkasamang harapin at labanan ang mga ito.

“Thank you at nagbago ka hindi dahil sinabi ko kundi ginawa mong kusa. Eh ‘di sana walang tayo ngayon. Sobrang saya saya ng buhay natin. ‘Di perfect pero masaya talaga eh.

“Masaya ako na ikaw ang kasama ko hanggang sa pagtanda. I loooove you! Pakiss nga saka pa hug! Hihi!” mensahe pa ng misis ng OPM icon.

Samantala, ibinalita naman ni Chito sa madlang pipol na nag-celebrate siya ng birthday sa isang beach resort kasama ang kanyang pamilya.

“Salamat sa lahaaat ng nag-Happy Bertdey Toyo sa akin! Sobrang na-appreciate ko na nag-take kayo ng time na i-greet ako,” ang bahagi ng caption ni Chito sa ipinost niyang IG photo.

Anim na taon na ngayong kasal sina Neri at Chito. Naganap ang kanilang garden wedding sa Tagaytay noong Dec. 13, 2014 at biniyayaan ng isang anak, si Miguel Alfonso na 4 years old na ngayon.

Read more...