DESIDIDO ang Sexbomb Dancers na sina Grace Nera, Aira Bermudez at Jopay Paguia na ipahuli ang isang nagpakilalang “fan” na nanghaharas sa kanila.
Personal na nagtungo sa NBI Cybercrime Division ang tatlong dating miyembro ng Sexbomb Girls para ireklamo ang nanggugulo sa kanila pati na sa kanilang pamilya.
Nagsimula raw ito sa pamba-bash at pambu-bully sa kanila ng ilang netizens na wala raw ginawa kundi ang laitin, siraan at bastusin sila sa social media.
Ang hinala raw ng grupo ni Jopay, iisang tao lang ito na gumagamit ng iba’t ibang fake social media accounts para lang i-bash sila.
Pahayag ni Sexbomb Aira sa “24 Oras” kagabi, “Kaya kami lumapit sa NBI kasi para ‘yung mga fake account na ginagawa para lang malaman natin kung sa kanya talaga nanggagaling lahat. Kasi sobra na ‘yung ginagawa niya like may connection na sa family namin.”
Kuwento naman ni Sexbomb Grace, may isang “fan” daw na lumapit sa kanila at nagsabing kilala raw niya ang taong nanghaharas sa kanila. Sabi raw nito, ituturo niya ang basher para mahuli ng otoridad pero may kapalit — ang pagpasok niya bilang kasambahay.
Naawa naman daw si Grace sa nagpakilalang “fan” kaya pumayag siya hanggang sa madiskubre nga niya na nagpapanggap lamang ito nang tawagan niya ang number ng basher.
“Isang araw pina-ring ko ‘yung phone. Sakto, nag-ring ‘yung phone niya. Tapos nakita ko ‘yung hitsura niya na gulat na gulat siya. Kinabukasan, umalis siya nang hindi nagpaalam sa akin,” lahad ni Grace.
Nang makaalis na raw ang “fan”, mas matinding panghaharas pa raw ang ginawa nito sa tatlong dancers kabilang na ang paggamit sa kanilang mga pangalan para sa pekeng online transactions.
Kuwento nina Jopay, mag-oorder daw ng cash on delivery ang suspek sa mga online stores at ipadadala sa kanilang mga bahay.
Pagbabanta pa ni Jopay sa fake na fan ng Sexbomb, “Kung sa tingin mo nalilinlang mo kami, naloloko mo kami, napapaikot mo kami, ang batas hindi mo mapapaikot ‘yan. Tandaan mo ‘yan. Mahuhuli at mahuhuli ka kahit ilang aacount pa ang gamitin mo.”
Binalaan din ng tatlong Sexbomb Dancers ang publiko na triplehin na ngayon ang pag-iingat at huwag basta magtitiwala sa ibang tao para hindi mabiktima ng mga sindikato sa social media.