TILA lumambot ang puso ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan sa sikat na sikat ngayong Filipino-American rapper na si Ez Mil.
Nu’ng una kasi, ang plano nito ay irekomenda sa City Council na ideklarang “persona non grata” (person not welcome) sa kanilang probinsya ang rapper matapos mag-viral ang kanta nitong “Panalo”.
Hindi nagustuhan ng ilang taga-Cebu at mga netizens ang hindi makatarungang paggamit ni Ez Mil sa pangalan ng bayaning si Lapu-Lapu sa kanyang hit song.
Kinuwestiyon ng marami ang bahaging ito ng “Panalo”: “Nanalo na ako nung mula pa na/ Pinugutan si Lapu sa Mactan/ At lahat ang nasaktan na/ Nalaman nila na pinatay/ Ang kanilang bayani/ Sa karagatan ng bansa/ Na pag-aari ng Pilipino.”
Inireklamo ng mga bumabatikos sa kanta ang bahagi kung saan nabanggit na pinugutan daw ng ulo si Lapu-Lapu na siyang ikinamatay nito.
Nagpahayag ng kanyang saloobin si Mayor Chan hinggil dito at ang unang rekomendasyon nga niya ay patawan ng parusang “persona non grata” si Mil sa Lapu-Lapu City.
“Nasuko ko, naglagot ko. Nagpataka lang siya himo og istorya. Unsa man nang iyaha, bahala oy sayop basta kay aron siya mosikat? Dako’ng bugal-bugal ang iyang gihimo sa atong hero nga angay natong respetaran, dili bugal-bugalan,” aniya sa salitang Bisaya.
Narito naman ang translation nito sa Tagalog, “Nagalit ako, nainis ako. Nag-imbento siya ng istorya. Ano ‘yang sa kanya, kahit na mali para lang siya sumikat? Malaking kalapastanganan ang kanyang ginawa sa ating bayani na dapat ay irespeto, hindi para lapastanganin.”
Ngunit ilang oras lamang ang lumipas, nag-post ang alkalde sa kanyang Facebook account at sinabing hihikayatin niya ang City Council na gumawa ng resolusyon para kondenahin ang lyrics ng kanta ni Ez Mil.
“Naabot sa atong atensiyon ang kanta sa rapper nga si Ez Mil nga nag-viral sa Internet nga naghisgot sa atong bayani nga si Datu Lapulapu (Nakarating sa ating atensiyon ang tungkol sa kanta ng rapper na si Ez Mil na nag-viral ngayon sa internet dahil sa linya nito tungkol sa bayani nating si Datu Lapu-Lapu).
“Dili makiangayon ngadto sa sons and daughters ni Lapulapu ug sa matag Oponganon ang gisuwat nga lyrics sa maong rapper. Mismong ang atong Presidente nihatag og pasidungog ni Datu Lapulapu pinaagi sa pag-highlight sa ika-500 nga kasumaran sa Kadaugan sa Mactan karong Abril 27, 2021.
Aduna na sab tay module nga gihimo nga naghatag og tukmang impormasyon kabahin sa atong bayani,” paliwanag pa niya.
(Hindi nararapat para sa mga anak ni Lapu-Lapu at sa bawat Oponganon ang isinulat na lyrics ng rapper. Mismong ang Pangulo ang nagbigay ng karangalan kay Datu Lapu-Lapu sa pamamagitan ng pag-highlight sa ika-500 anibersaryo sa Pagkapanalo sa Mactan ngayong April 27, 2021. Meron na rin tayong module na ginawa upang bigyan ng tamang information patungkol sa ating bayani.)
Bukod dito, nais din niyang mag-issue ng public apology si Ez Mil at kanilang ipapanawagan na baguhin ang maling pagsasalarawan sa ating bayani.
“Alam ko na merong pagkakataon na nagkakamali ang isang tao kaya mananatiling bukas ang pintuan ng lungsod upang pakinggan ang paliwanag ni Ez Mil,” sabi pa ng alkalde sa salitang Tagalog.
Kung matatandaan, humingi na ng sorry ang viral rapper sa mga na-offend o nasaktan sa lyrics ng kanta, “I do not intend to have a corrected version of the song, because I feel like that’s ruining the integrity that I had within recording it, but it was, you know… It blew up because it made people talk, and I will let it stay that way.”
“I’m sorry to anybody who was offended with the fact that me being putting inaccurate sources in our history as Filipinos,” pahayag pa ni Ez Mil.