KUNG ang ibang celebrities ay nagdadalawang-isip pa kung magpapaturok ng anti-COVID-19 vaccine, ibahin n’yo ang mga bida sa bagong “hugot” movie na “Dito at Doon”.
Ayon sa award-winning actress na si Janine Gutierrez at sa leading man niya sa “Dito at Doon” na si JC Santos, looking forward na sila sa pagpapabakuna kontra COVID-19 at sa pagbabalik sa normal ng buhay ng mga Filipino.
Sa ginanap na virtual mediacon para sa pelikulang “Dito at Doon” ng TBA Studios ay natanong nga ang cast members hinggil dito pati na ang direktor nilang si JP Habac.
Sagot ni Janine, isa siya sa mga umaasa na magiging maayos at mabilis ang magaganap na mass vaccination sa bansa at talagang pipila raw siya kapag pwede nang magpabakuna.
“Yes! I’m really looking forward to it because it will be the start of more hopeful days after the pandemic. So when it’s available, pipila ako,” sabi ng bagong lipat na Kapamilya star.
Sey naman ni JC, “Ready na ako. I miss performing live. Lahat ng mga live theater, live musicians, nawawala. Gusto ko na rin manood ng premiere night.”
Chika naman ng stage actress na si Yesh Burce na first time sumabak sa pelikula, “Yes! reading-ready na! Para masaya na tayong lahat uli!”
“Yes ready na rin! Nami-miss ko na rin mag-cinema. Iba pa rin yung experience na malaki ‘yung screen. Tapos may mga physical strangers na kasama na nag-e-enjoy,” pahayag naman ni Victor Anastacio.
Ayon naman kay Direk JP Habac, “Ako sobra! Noong nag-two months na yung lockdown, ready na talaga ako sa vaccine. What more ngayon na mag-iisang taon na (ang Pilipinas sa ilalim ng community quarantine).”
Samantala, ipalalabas na ang “Dito at Doon” sa March 17 sa digital platform at sa ilang piling sinehan sa bansa at umaasa ang buong production na mas marami pang makapanood sa pelikulang pinaghirapan nila sa ilalim ng new normal shooting.
Gagampanan ni Janine sa movie ang karakter ni Len na anak ng isang frontliner na na-involve sa isang delivery boy na bibigyang-buhay naman ni JC. Nagkakilala sila sa e-numan.
Bukod sa kanilang direktor, puring-puri rin ni Janine si JC bilang leading man dahil marami raw siyang natutunan sa aktor bilang isang artista.
“He’s one of our best actors. At kung ano ang napi-feel ko nu’ng pinapanood ko siya sa mga pelikula niya, ‘yun talaga ang na-feel ko nu’ng ginagawa namin itong Dito at Doon,” pahayag pa ng award-winning actress.
In fairness, trailer pa lang ng bagong obra ng TBA Studios ay bentang-benta na sa madlang pipol. At sigurado namang dekalidad ang proyektong ito dahil kilala ang TBA Studios sa mga premyadong pelikula tulad ng “Birdshot,” “I’m Drunk I Love You,” “Write About Love”, “Heneral Luna” at marami pang iba.