Yassi nagpasalamat kay Coco matapos mamaalam sa Probinsyano: Mananatili ka pa ring parte ng buhay ko

ISANG linggo makalipas ang trending at pinag-usapang pagkamatay niya sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” pinasalamatan ni Yassi Pressman ang lead star ng serye na si Coco Martin at ang buong produksyon.

Sa pamamagitan ng isang tula, ibinandera ng aktres ang kanyang nararamdamang kaligayahan matapos ang ilang taong pamamalagi sa nasabing programa.

Aniya, hindi man niya mailalagay ang lahat ng kanyang nais sabihin sa isang tula, sisiguruhin niyang maipaparamdam niya sa lahat ng taong nakasama niya sa serye ang kanyang taos-pusong pasasalamat.

“Nagbago ang buhay ko noong pinasok ko ang mundong ‘to,” ang simulang sabi ni Yassi sa video na kanyang ipinost sa social media kung saan makikita ang mga hindi malilimutang eksena niya sa “Probinsyano”, pati na rin ang mga BTS (behind-the-scenes) photos niya kasama ang cast members at crew ng show.

“Hindi lang siya basta trabaho na kinailangan kong gawin, bagkus naging parte na siya ng aking sistema, tumatak na siya sa isip ko, sa pagkatao ko,” pahayag pa ng dalaga na limang taon ngang naging bahagi ng “Probinsyano” bilang asawa ni Cardo Dalisay na si Alyana.

“Kapag Kapamilya, Kapamilya,” sabi pa ni Yassi kasabay ng pagpapasalamat sa Dreamscape Entertainment at sa Viva Artists Agency, “Dahil sa oportunidad na binigay ng mga taong ‘to, nagbago ang lahat pati ang buhay ng sariling pamilya ko.

“Ito ang dahilan kung bakit kami nagkaroon ng mas masayang buhay. Maraming salamat sa inyo, sa lahat ng mga nakasama ko sa lungkot at saya.”

At siyempre, pinasalamatan din niya si Coco, “Maraming salamat sa ‘yo dahil ikaw ang nag-iisang Cardo sa buhay ni Alyana.

“Mananatili ka pa ring parte ng buhay ko bilang matalik kong kaibigan. Kaya, Co, maraming salamat sa ‘yo, sa lahat ng tinulong at sa lahat ng tinuro mo,” aniya pa.

Sa huli, inamin ni Yassi na magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman niya para kay Alyana, “Ang hirap umpisahan lalo na’t alam kong kailangan nang wakasan. Kaya po sa huling pagkakataon, ito na — ako po si Alyana Arevalo-Dalisay. Pagkatapos ng limang taon, nagpapaalam.”

Hindi naman nabanggit ni Yassi ang tunay na dahilan kung bakit kinailangan na niyang lisanin ang serye pero ayon sa mga ulat, nais daw ng dalaga na gumawa muna ng mga pelikula at iba pang proyekto under Viva.

Read more...